Sunday, February 26, 2017

Sunway

Sunway Lagoon, Petaling Jaya
Malaysia

February 2017


Saturday, February 18, 2017

Panglao

When you're not feeling well... all the more to think about going to the beach and getting "mulatto pigment degradation disorder, aka tans". 

- The Brief Wondrous Life of Oscar Wao

Panglao Island, Bohol, Philippines
May 2016


Monday, February 13, 2017

Pangulasian

Ichasoa urac aundi es du ondoric agueri... (The waters of the sea are vast, and the bottom cannot be seen...) - Longitude by Carlos Cortes

Pangulasian Island, El Nido
Palawan, Philippines
April 2015

Friday, February 3, 2017

puyat at patpatin

matagal-tagal na ring walang anumang wisikan ng kamandag ang naganap sa loob ng ilang buwan. wala na kasi yatang mautas ang mandragora… naubos na ang mga kumakalaban sa kanyang trono. ilan na ba ang naging alikabok dahil sa lamang sa isang wisik ng nag-iisang ito?! di na mabilang ng tagapagsalaysay… higit itong marami sa inutas ni bellatrix lestrange o ni cersei lannister. ay paumanhin, di rin pala ito dapat ihanay sa mga nasabing pangalan dahil sa hilatsa ng mukha nito!

eniwey, may bagong yugto sa epikong ito. dalawang bago ang nais pumaimbulog at direktang humamon sa mandragora! una na rito ang bagong pinuno ng peninsulang yun. isa ito sa mga kasapakat ng mandragora at burak-eps na nagpatalsik sa mandaragat. tulad ng pagkasangkapan ng mga marcos kay duterte, ginamit din ng mandragora ang patpating pana upang magkalat ng lason sa mandaragat. ol awt ang pagsalakay nito dahil maski mula sa isla ay nakapag-itsa pa rin ito ng bato upang pahinain ang kapit ng mandaragat sa puwesto. sa huli, nakopo ng patpating pana ang trono… umepekto ang pinaliit nitong glavica sa pag-utas sa mandaragat. ngunit sabi nga nila, darating ang pagkakataong kakailanganin ang paglamon sa kakampi upang pangalagaan ang sarili. ito nga ang ginawa ng patpating pana. sinubukan nitong dumaan sa likod ng mandragora at kantiin ang mga tagasunod nito. siyempre pa, naramdaman ito ng mga mahahabang galamay ng demona. agad-agad nitong pinalapad ang kanyang kaahasan, nagpatulong sa dambumbay at walang anu-ano'y nawalan ng saysay ang hakbang ng patpating pana… isang wisik at patay ang plano nito. malayo pa naman sa pagkautas ang patpating pana ngunit nabawasan ng higit sa kalahati ang kanyang buhay dahil sa hangal at walang kapararakang "pagtraydor" sa dati na niyang kakampi.


wala pang dalawang linggo ang nakalilipas, isa pa ang humamon sa demona. ito ay sa katauhan ng pirmihang puyat, isang tila puno ng lumbay at bagot na tagabilang. ayaw nitong paalpasin ang nais ng mandragora at dahil maykapangyarihan ding magpaitim ng himpapawid, kinalaban nito ang mandragora. palitan ng maiitim na sapot at tinta. labanan sa pamamagitan ng bali-balikong inglis at kamandag. ang kinauwian, nanalo pa rin ang mandragora. pinaburan ito ng dakilang kabibigan… dahil na rin sa dambumbay at sa matandang tumatahol. ano ba naman ang laban ng isang piyong tulad ng pirmihang puyat… kailangan niyang tanggapin ang pagkatalo, humanay at hayaang magapi ng kamandag. pero siyempre, di naman ibig sabihin nito ay tuluyan nang di iigpaw ang pirmihang puyat. matindi rin naman ang kapit nito, may damask itong maaaring takbuhan kaya maganda ang mga susunod na tunggalian sa pagitan nito at ng nag-iisang mandragora.


nawa'y magpatuloy ang pagkawala ng tingin nito sa dakong ito!

longitude

gusto ko ng nobelang inawtor ng isang pinoy. ito ay pagkaraang makatapos ng iilan ding mga librong dayuhan ang sumulat. sabi ko, maigi kung historikal din ang tema, piksyon pero base sa kasaysayan. ok yun. at ibinigay ulit ito ng fully booked, sa ikalawang palapag ay nakahanay ang mga aklat ng mga pinoy na manunulat. dito ko na nga nasumpungan ang longitude ni carlos cortes. sa pagitan ng tatlong aklat ng miss peregrine's home for peculiar children, nabasa ko ang longitude.



mula sa punto de bista ni henrique (o harith/ indriki/ indra) ang nobelang ito. isa siyang aliping galing sa malacca at kinasangkapan ni ferdinand magellan sa malaking punyagi nitong tuklasin ang pulo ng mga pampalasa sa pamamagitan ng pagtraberso sa kabilang bahagi ng daigdig. ayon sa nasusulat na kasaysayan, nakuha ni magellan ang patronahe ng hari ng espanya nang talikuran nito ang pinagmulang bansa ng portugal. nagsimula ang paglalayag ng buong armada sa sevilla, bumaybay sa dagat atlantiko patungong cape verde. mula rito, tinahak ng armada ang di pa nagagalugad na bahagi ng timog amerika sa pamamagitan ng pagtawid sa atlantiko patungong brazil. binaybay nila ang kahabaan ng brazil, hanggang makarating sa lupaing ngayon ay argentina, sinuong ang mapanganib na tubig sa paligid ng falklands at unti-unting nakaungos sa timog silangang bahagi ng dagat pasipiko. nagpasuray-suray ang natitirang galyon ng armada sa magkakalayong isla ng pasipiko, nasumpungan ang maliliit na pulo tulad ng guam, bago pa makarating sa homonhon. mula rito, tumuloy sa isla ng cebu, napatay si magellan at tuluyan nang lumayas ng pilipinas si henrique. ito nga ang itinuturing na kauna-unahang pagsirkulo sa daigdig, pagkaraang matuklasan ang mas matandang ruta mula europa, dulo ng timog africa, pagtawid sa karagatang indian bago pa makarating sa kipot ng malacca.

ang buong nobela ay isang malaking kuwentuhan tungkol sa paglalayag, kung gaano kalaki ang karagatan at nabigasyon sa bahagi ng mundong di pa natutuklasan ng mga panahong 'yun. sinaputan ito ng kaunting mga tunggalian tulad ng kudeta laban kay magellan at kapitan ng ilang barko at maging ng mga abentura at kaunting kalokohan ni henrique. tinalakay nito kung gaano kalaki ang papel ng relihiyon sa pagdagsa ng mga nabigador na tutuklas, mananakop at aalipin sa "bagong daigdig". natuwa ako sa matamang pagsasaliksik ng awtor upang maglahad ng samu't saring tribyales tungkol sa kung saan galing ang mga pangalan ng buwan, araw, at kung anu-ano pa. gustong-gusto ko rin ang saling sa linggwistiks at kung paanong mula sa mga salita at pangungusap ay mahihinuha ang kasaysayan ng isang lipi. interesante ring tinukoy ng nobela ang mga sinaunang pilipino, bagamat gumagamit ng mga onoripikong mga titulong galing sa sa impluwensya ng islam, ay di totalmenteng mga muslim dahil sa sentral na bahaging ginagampanan ng baboy sa mga piging at pagtitipon. di rin si lapu lapu mismo ang pumatay kay magellan, ayon sa nobela, kundi ang magigiting na mga kawal ng dakilang pinuno ng mactan.      

ok ang first person na pagkukuwento mula sa punto de bista ni henrique. at talaga namang alam niya ang lahat! kung malilimot mong isa siyang aliping walang opsyon kundi makinig, maaaring mahinuhang isa lamang siyang enggrandeng tsismoso. maaaring di sinasadya, ngunit maaaring makuha mula sa teksto na sinususugan ng nobelang ang maling haka na nagmula sa mga mala yang lahi ng mga pilipino. oo nga't malalim ang ugnayan ng mga pilipino sa mga sinaunang malay at indones, hindi rito galing ang lahing mayroon ngayon dahil dati nang may tao sa kapuluan na tinatawag ngayong pilipinas.

masyadong mahaba ang teksto tungkol sa nabigasyon at pagsukat sa longhitud at latitud. mababagot ang mambabasa rito. ngunit sa tingin ng awtor ay mahalaga ang mga ito dahil nga longitude ang titulo ng libro. ngunit sana'y mas pumokus sa mga personalidad at pumili ng higit na mga interesanteng karakter. sa haba nito, tila naging isa lamang parada ng mga pangalang di memorable, bukod kina magellan at henrique. may mga bahaging nais ko nang laktawan dahil nakababagot ang mga ito at sa gayon ay makalipat na ako sa ibang aklat. naging kapana-panabik lamang ito nang pumasok na ang armada sa bahagi ng dagat pasipiko na ngayo'y sakop ng pilipinas. 

may malaking kakulangan ngunit mag-iiwan ang longitude ng mga mahahalagang tanong tungkol sa pagiging pilipino at itutulak nitong higit pang pahalagahan ang taal na pamana ng lahing pilipino.