Tuesday, February 12, 2008

gilit

bilib ako sa henyo ni Stephen Sondheim at nakagawa siya ng isang musikal ukol sa isang mamamatay-tao. sanay tayo sa mga musikal na umiinog sa tema ng pagliligawan at pantasya. maaaring mahaluan ng kaunting pulitika o bahid ng pagsusuri sa umiiral na kalakaran, ngunit ang mga ito'y karaniwang palabok lamang para sa arbitraryong tema ng pag-ibig at lahat ng kumplikasyong kaakibat nito. ang ibang mga musikal ay maaaring seryoso ang tema at naglalaro sa pagitan ng nakakikiliting kumpas ng mga diwata at tusok sa pusong pag-ukilkil ng mga henyo ng panulat. bagamat nasa sentro pa rin ng istorya ang unibersal na tema ng pag-ibig, makabreng dulot ng paghihiganti ang panghalina ng Sweeney Todd. kung paanong nailapat ang mga titik ng damdaming nais kumitil ng buhay at bigyang-buhay ito sa paawit na paghahatid ng salaysay ay isang gawa ng isang makasining na paham.

madilim at mapula (dahil sa dugo!) ang atmospera ng pelikula… ngunit totoo lamang ito sa sining-gotik ni Tim Burton. angkop ang ganitong pangkalahatang lapit sa tema ng paghihiganti ng isang marangal na barbero (Benjamin Barker / Johnny Depp) na winalanghiya ng isang tiwaling maykapangyarihan. dahil sa maigting na pagnanasang maangkin ang asawa, ipinatapon ni Judge Turpin (Alan Rickman) sa Australia si Sweeney upang magsilbi bilang trabahador. pagkaraan ng 15 taon, nakatakas siya (di na tinalakay sa pelikula kung paano ito nangyari) sa tulong ng isang binatang si Anthony, at bumalik sa London bilang isang bagong indibidwal – Sweeney Todd, hubad ng anumang ideyalismo at handang maghasik ng lagim sa ngalan ng paghihiganti (ala Simoun ng El Filibusterismo!). sa kanyang pagbabalik, nakadaupang-palad niyang muli si Mrs. Lovett (Helena Bonham Carter) na nagsilbing kasapakat at tagapayo. at doo'y kanilang naisakatuparan ang maitim na balak na patayin ang huwes na ngayo'y umampon sa nag-iisang anak (Johanna) ni Sweeney Todd, upang ipaghiganti ang ginawa nito sa kanyang pamilya.

sa isang wasiwas ng labaha, isang malinis na gilit sa leeg ang agad na kumikitil sa buhay ng mga biktima ni Sweeney. nahuhulog ang mga bangkay ng mga ito sa silong ng barberya at restoran nina Sweeney at Mrs. Lovett. at upang matugunan ang kanilang pangangailangan habang lumalapit sa target, hinuhurno nila ang laman ng mga taong nagilitan, niluluto upang maging meat pies at ipinagbibili sa mga parukyanong walang ideya kung ano ang kanilang nginunguya! 'maryosep! sa huli, siningil din ng karma ang magkasabwat. nang malaman ni Sweeney na nagsinungaling si Mrs. Lovett ukol sa kanyang asawa (na buhay pa pala, naging taong-grasa, at aksidenteng nagilitan din!), itinulak ni Sweeney si Mrs. Lovett sa hurnuhan at nasunog ito. ang kasabihang "kung sa patalim ka nabubuhay, sa patalim ka rin mamamatay" ay totoo kay Sweeney, sapagkat siya mismo ay naging biktima rin ng sariling labaha nang siya ay gilitan din ng leeg ng kanyang katulong na si Toby.

mahusay si
Johnny Depp. bagamat may isa o dalawang eksena pa rin kung saan lumabas ang kakatwang pagkibot ng kanyang mga pisngi, ang kanyang pagganap ay angkop at hindi gaanong umayon sa karikaturang maaaring inaasahan ng tao sa kanya. ang malalim na baritone na kanyang ipinamalas sa kanyang mga pag-awit ay kapuri-puri, bagay sa isang lalaking pakikipagtuos sa pamamagitan ng ganti ang tanging pakay. di ko alam na sa musikal na ito galing ang awiting "not while i'm not around" at kung maririnig ko ulit ang kantang ito, siguradong maaalala ko ang magaling na si Helena Bonham Carter.

di ako tutol sa anumang balakin ng taong humanap ng retribusyon sa bawat kamaliang idinulot ng kapwa. dapat lamang na pagbayaran ng maysala ang kanyang kasalanan, lalo na kung ang mga ito'y ginawa lamang sa likod ng simpleng pag-iimbot, inggit o anumang nakasusuklam na panlalamang sa kapwa. ngunit, ang anumang paghahanap ng retribusyon ay nawawalan ng saysay kung ang paraan ng paghahanap nito ay tunggak, na isasakripisyo maging ang tuwirang rason. maraming landas na maaaring tahakin upang makamit ang hustisyang inaasam, ngunit isang maling hakbang lamang ang magsisilbing mitsa ng pagkaligwak ng anumang balakin. ang bugso ng damdamin o naipong poot ay delikado, hindi lamang sa maykatawan kundi lalo sa mga taong minamahalaga ng bawat indibidwal. di dapat magpabulag sa poot, bagkus ipunin ang nalalabing lakas upang magkaroon ng higit na malinaw na pag-iisip. sa gayon, makalikha ng mas maybisang balangkas at maisakatuparan ito ng may halos tiyak na tagumpay, tulad ng nakamit ng konde ng monte cristo!

No comments:

Post a Comment