Friday, March 28, 2008

butil

hungkag na raw ang istak ng bigas sa ating bansa. dahil dito, humingi ng tulong ang Pilipinas sa Thailand at Vietnam na magparating ng kaukulang saklolong panustos sa suplay nito. magmula Enero ng taong kasalukuyan, halos apat na piso ang itinaas ng presyo ng bigas sa lokal na merkado.

patuloy naman ang pag-aangkat ng bansa ng bigas sa ibang mga bansa. may mga nagsasabing sapat naman ang ani ng ating mga magsasaka. kung gayon, ano ang dahilan ng kakulangan nito? … kasakiman ng iilang nais kumubra ng higit sa dapat na kita. itinatago at itinitinggal ng malalaking negosyante ang suplay upang mapilit na tumaas ang halaga. gusto yata nila ay lumobo hanggang 100 ang bawat kilo ng bigas upang magkamal ng higit pang salapi. madaganan sana saku-sakong bigas ang mga damuhong ito!

ang inutil na gobyerno naman, saka lang kikilos kapag nai-media na ang isyu. dapat sana ay namonitor agad ng ahensiyang may tuwirang responsibilidad ang problemang ito bago pa man sumambulat at maging pambansang isyu. kaya lang, paano naman mangyayari ito kung ang mismong puno ng ahensiya ay may makasariling interes din sa sandaling tumaas ang presyo ng bigas?! di pa kasama diyan ang mga kotong na kailangang kaharapin ng mga magsasaka at maliliit na mangangalakal ng bigas na nakaaapekto rin sa bentahe ng bigas sa pamilihan. haaaayyy…


di ko yata matatagalan na mawala ang bigas sa bawat hapag. tugma ang bigas sa halos lahat na ulam o putahe, mapa-pinoy o banyagang lutuin. isipin na lang ang lahat ng kakaning base sa bigas na pinagmumulan ng kabuhayan ng maraming Pilipino. bagamat maraming indibidwal ang umiiwas sa pagkain ng kanin dahil sa naising magpapayat, ang butil na ito ay integral na sangkap ng pagkatao ng bawat pinoy. maraming gawi, tradisyon at kalinangan ang hinabi mula sa bigas at anupamang porma nito. nararapat lamang na pagtuunan ng ibayong pansin ang pundamental na pangangailangang ito, kaysa ubusin ang oras sa pagtatapunan ng putik na pulitika.

No comments:

Post a Comment