bangkok. destinasyon namin nitong nakaraang linggo! di nakasama si zel dahil sa pagdadalantao habang si mylene naman ay inabot ng kamalasan sa pagkuha ng pasaporte. naiwan ako kina mark at boboy. sa kabuuan, umokey naman ang lakad, kahit mag-isa ako sa halos kalahati ng paglagi namin sa bangkok! buti na lang at naihanda ko na ang aking sarili sa gan'tong sitwasyon bago pa man kami lumipad. sa gayon, nabawasan ang pagkayamot sa paglakad mag-isa.
maigi ring natutuhan ko na ang medyo kumplikadong taymer ng kamera ni zel, kaya naman naikot ko ang lahat ng wat sa ayutthaya (tulad ng nasa piktyur sa kaliwa). salamat din sa ingles at konting ngiti, napakiusapan ko ang ilang mga koreano at mga puti na kunan ako ng piktyur magkaminsan. kailangan nga lang na sinuhin ang bawat taong pinakiusapan kundi mahahalata na nila marahil na nagiging personal na potograpo ko na sila! isa pang maigi sa pagiging solong turista ay ang kawalan ng taong intindihin at kailangang pakisamahan. nakapaglagi ako sa mga lugar na nais kong puntahan, sa tulong na rin ng aming libot-giya.
magandang destinasyon ang bangkok sa mga solong turista. dikit-dikit ang mga murang tuluyan; maraming mga ahenteng nag-aalok ng paglilibot sa kabuuan ng thailand o maging sa karatig na mga bansa; maraming murang bilihin; ang pagkain ay ok na rin, bagamat maanghang kaysa sa normal dito sa pilipinas; magigiliw ang mga tao at sanay sa pagdagsa ng mga farang mula sa iba't ibang lugar. sa tingin ko, babalik ako rito. una, upang makita ang kanilang mga dalampasigan at higit sa lahat, upang makatawid ng hangganan patungong angkor wat.
No comments:
Post a Comment