tampulan ng tukso't pangungutya ngayon ang kapulisan ng pilipinas dahil sa palpak na paghawak at madugong kinahinatnan ng hostage drama sa luneta nitong lunes.
sa pagtaya ng mga eksperto sa ganitong mga insidente, bigo ang pangkat ng manila police district (MPD) sa maraming aspeto. una, walang naging maayos na negosyador at lalo pa itong pinalala ng hayaan ng MPD na maging bahagi ng negosasyon ang kapatid ni rolando mendoza. dahil pulis din ang nang-hostage, tila urong-sulong ang kapulisan ni mayor lim kung paano makikipag-negosasyon kay mendoza, marahil dahil na rin sa damdaming-lapit at kasama nila ito nang matagal sa serbisyo. bigo rin ang kapulisan na magtalaga ng sapat na kontrol sa naglipanang mga miron sa paligid ng grandstand at maging ang pagsawata sa labis-labis na pag-cover ng media sa mga pangyayari. naging mitsa ng krisis ang pagdakip sa kapatid ni mendoza, na napapanood ang lahat ng kaganapan sa TV sa loob ng bus. umalingawngaw ang putok ng armalayt dahil dito. at ano ang ginawa ng mga pulis? sige-sigeng sinugod ang bus, nang walang anupamang pagbabalak ng maiging taktika... parang aawat lang sa nag-aaway na magkakapitbahay! bagamat nagsanay pa pala ang mga pulis ng makailang ulit sa likod ng grandstand bago pa lumapit sa bus, palpak ang mga kagamitan nilang dala-dala sa eksena ng krimen: simpleng maso na di mabasag-basag ang salamin ng bus; maikling lubid na napatid nang hinatak na ng mobil; walang mga pangmukhang pananggalang sa teargas; marami sa kanila ay di nakasuot ng bulletproof vest; walang panggabi at pangmadilim na mga teleskopyo upang masino ang mga tao sa loob ng bus at kung nasaang bahagi ng bus si mendoza; at huli na nang kanilang matanto na maaari pala nilang buksan ang emergency door sa bandang likuran ng bus. nang makatakas ang tsuper ng bus at nagsisigaw na patay na ang lahat ng bihag, nataranta ang mga pulis at umatake na. sabi sa radyo, lumala pa ang sitwasyon nang dagli-dagling umatras ang swat team at lumabas muli ng bus nang magpaputok si mendoza sa direksyon ng emergency door.
mas iigting sana ang tapang ng mga miyembro ng swat sa pagkwitis sa nag-aamok kung alam nilang may sapat silang kakayahan at kagamitan sa pagsawata kay mendoza... ngunit tila pangsimpleng mga adik-adik at away mag-asawa lamang ang alam nilang resolbahin. maging ang interpol ng hong kong ay sangkot na sa imbestigasyon, kaya naman wala sanang anupamang pagtatakip sa kakulangan, kamalian at kabiguan ng mga pulis sa nangyari. unang dapat sagutin ay kung paanong namatay ang mga turista - dahil ba sa putok ng baril ni mendoza o mula sa labas ng bus. sapat na ang kahihiyang dala ng isang may-hinanakit na pulis na bumihag at pumrenda sa mga inosenteng turista at sa nautas na mga buhay dahil sa palpak na mga taktika ng mga pulis. di na dapat pa itong madagdagan ng kahihiyan ng cover up at tiwaling pagtalakay at paglalahad ng resulta ng imbestigasyon.
mula sa twitter at facebook, "major major" na rin ang mga katatawanang ukol sa palpak na swat ng dapat sana ay manila's finest. special weapons and tactics ang totoong ibig sabihin ng SWAT. ngunit dahil sa tunggak na pagresolba sa krisis, heto na ang mga bagong kahulugan ng swat ng bansa:
Sugod! Wait. Atras Tayo.
Seriously Without Any Tactics.
Sorry. Wala Akong Training.
Sorry, We Aren't Trained.
Sugod. Wait. Atras. Tago.
Sana, 'Wag Akong Tamaan.
Stupid With Aquino Team.
Shortage of Weapons and Tactics.
Super Slow Acting Turtle.
Sledgehammer Whacking Assault Team.
Sir, Wait And Take a break.
Super Walang Alam Tactics.
Sh**! Wait, Atras Tayo.
nice item Jubert. major major talaga.
ReplyDeletehttp://www.youtube.com/watch?v=8vUqONQyX1E
pasaway din talaga si Mendoza. kawawa tuloy iyong mga biktima. tska parang set na rin ung mind nya na mamatay on that day pero baka panakit lang sana niya un.
salamat, shiela! oo nga. kahiya na 'yung may nag-amok, pero lalong kahiya kung paano ito hinawakan ng mga pulis.
ReplyDeletemaski sa kumpanya namin, nagdadalawang-isip ang mga bosses na magpadala ng mga tao rito sa pinas dahil sa nangyari. haaaayyy...