Tuesday, September 28, 2010

jueteng

jueteng: "flower" (jue) and "bet" (teng).

litaw na naman ang isyu ng jueteng. matanda pa sa pag-usbong ng naglalakihang malls ang usaping ito, ngunit heto na naman at hedlayn sa mga peryodiko. pinanggagalingan ng kikbak at badyet ng mga pulitiko't tiwaling pulis ang iligal na sugal na ito. maging ang mga naka-abito, matamang nakikisangkot sa usaping ito. at dahil sa mga pasabog ni oscar cruz, grandstanding ulit ang drama ni miriam santiago. sa mga nakaraang administrasyon, ang isyu ng jueteng at kung sinu-sinong malalaking tao ang tumatanggap ng payola mula sa mga big time na opereytor nito ay palaging laman ng pambansang isyu.

sa mura ng pagtaya rito at dahil sa pagkaugat ng naisin ng bawat pinoy na makasuwerte at tumama ng malaki-laki at biglaang premyo, mahirap sawatain ang suliraning ito. paniniwala ng mas nakararami, higit na madaling tumama ng dyakpat sa jueteng dahil sa kawalan nito ng mahigpit na mga regulasyon sa pagkakasunud-sunod ng mga bilang, di gaya sa lotto o sweepstakes. laganap ito maging at higit sa maliliit, liblib o rural na pamayanan, wala pa riyan ang mga mananaya sa naglalakihang lungsod, kung saan naroon ang higit na bilang ng mga mahihirap. sa mas masusing pagsusuri, ang mananaya at kubrador ay may relasyong batay sa tiwala, dahil sa kawalan ng anumang pruweba ng transaksyon (maliban sa piraso ng papel) at pamilyaridad sa "inaalagaang numero" ng mananaya.

kung tunay itong nakatanim na sa kamalayan ng bumubuo ng maliliit na komunidad, ibig sabihin ay matagal-tagal bago ito masawata mula sa pinakaugat ng suliranin. kung walang pagtangkilik mula sa mga mananayang nagbabakasakali at payag na mamuhunan ng di bababa sa limangpiso bawat taya, di rin naman mamayagpag ang jueteng at mananatili hanggang ngayon. mag-ikut-ikot ka sa mga barangay at tiyak na may makikilalang maybahay o walang trabahong lalaki na may kakarampot na pera na imbis na idagdag na lamang sa pambili ng bigas ay itataya pa ito sa jueteng. anumang eskplosibong mga pagbubunyag ang gawin ng mga gaya ni cruz at santiago at kahit gaano karaming imbestigasyon pa ang mani-obrahin ng senado, sadyang malalim ang ugat at mahaba ang galamay ng jueteng. mantakin mo namang mahalal ang asawa ng pinakamalaking opereytor bilang gobernador, naupo't natanggal ang isang pangulo na kumukubra ng payola mula sa jueteng, angkinin ng asawa ng isa pang pangulo ang operasyon sa ilang lalawigan at maupo sa gabinete ang ilang mga personalidad sa kasalukuyang administrasyon na sangkot sa iligal na laro... sa kangkungan lamang dadamputin ang anumang pagkilos laban sa jueteng. matitigas ang mga mukha ng mga pulitikong sangkot sa jueteng. pangalawa na sa paghinga ang tiim-bagang nilang pagtanggi at pagsisinungaling na walang jueteng sa kanilang nasasakupan o di sila kumukubra ng anumang payola.

sa ganang akin, mas makabubuting gawing ligal ang jueteng. kikita ang pamahalaan mula rito na magiging pantustos sa mga kakulangan sa paaralan at edukasyon. kapag ligal na ang jueteng, magiging higit na propesyunal ang pagtaya rito at di na batay sa ututang dila. ang mga dating simpleng kubrador ay maaaring magtayo ng kani-kanilang mga betting stations na higit na makapagpapalago ng komersyo sa maliliit na komunidad. magkakaroon din ng mga pamantayang binalangkas ng kongreso sa likod ng pagpapatakbo ng industriya ng jueteng. at higit sa lahat, mawawala ang mga singtapang ng tigreng mga panginoon ng sugal. kung wala silang panghahawakang kaban ng pera na tila di nasasaid, di maglalakas ng loob ang mga ito na pagharian ang mga lalawigan at angkinin ang mga ito na parang sa kanilang pamilya lamang.

dalawang paksyon ang laban sa pagsasaligal ng jueteng - simbahan at tiwaling mga pulitiko. ang simbahan ay maaaring tutol dito dahil sa usapin ng moralidad. sa pakikisangkot ng mga naka-abito sa lahat ng isyung moral, di malayong maski rito ay makilahok ang mga pari't obispo at gamitin ang bawat homiliya na pagkakataong maki-pulitika. at siyempre ang mga tiwaling pulitiko naman ay tatanggi sa ligal na jueteng dahil mawawalan sila ng pagkakakitaang labas sa kurakot sa pamamahala o pagsangkot sa droga.

No comments:

Post a Comment