Friday, October 29, 2010

saigon

isang linggo sa ho chi minh city, unang tapak sa lupain ng mga vietnamese.

tanghaling tapat nang umalis ako sa manila at dumating sa hong kong bandang alas-3 ng hapon. nag-internet sandali at lumipad muli patungong ho chi minh. paglapag ng eroplano sa tan son nhat, siyempre kailangan ng dong, nagpapalit agad. nagpahatid sa mai linh taxi patungong renaissance riverside hotel sa district 1 at sa malas ay ilalagay daw ako sa silid na may dalawang kama! tama ba naman 'yun? mag-isa lang ako, pero dalawang kama... siyempre, di ako pumayag... maalimpungatan pa akong may nakahiga d'un sa kabilang kama! pagpasok ko sa hotel, napansin kong kailangan pa akong tanungin ng mga kawani kung tutuloy ako sa hotel bago ako tulungan sa aking mga bagahe. naka-shorts at tsinelas lang kasi ako, kaya naisip ko na di nalalayo ang ilang mga vietnamese sa ilang mga pinoy na sumusuri ng uri ng tao base sa hitsura.

bukod sa layo ng hotel sa tanggapan ng idc sa saigon at sa taas ng pamasahe rito, wala naman akong marereklamo pagdating sa pagkain. sangkatutak at kung anu-anong klaseng dahon at gulay ang ihahain sa iyo sa wrap and roll restaurants. 'yung mga ibang dahon nga ay di kinakain sa pilipinas o nilalaruan lamang ng mga bata sa bahay-bahayan. kaiga-igaya ang proseso sa wrap and roll, ikaw ang bahala sa anumang kumbinasyong naisin mo. sa dami ng sawsawang nakaabang sa iyo, iba't ibang fleyvor din ang malalasahan. ang gusto ko sa wrap and roll, pagkatapos mong kumain ng maraming lumpia, di mo mararamdamang bundat ka sa kabusugan. di mabubuslot ang iyong tiyan kahit na marami ka nang nakain, dahil marahil ito sa mga gulay na kasama ng lumpia.

natikman ko rin ang pagkain sa nha hang ngon. sabi ni she at tri, di maaaring palagpasin ninuman ang pagkain dito. isang malaking mansyon na pranses ang istilo, ang ngon ay nagsisilbi ng katutubong lutuing vietnamese. kumpleto sa saydings ang bawat putahe, malasa at mararamdaman mong sariwa ang bawat sangkap. kasama si tri, sinubukan ko ang inihaw na paa ng manok na tila inasal sa atin, ang papaya salad na may malutong na tenga ng baboy, relyenong kuhol at inihaw na tadyang ng baboy. pagkatapos ay tinikman namin ang kanilang bersyon ng halo-halo. liban sa kawalan ng saging, langka, buko at kababawan ng tamis nito, halos pareho ang istilo nila sa halo-halo natin.

marami pa susunod! cam on!

No comments:

Post a Comment