Friday, November 19, 2010

jejemon

mahigit anim na buwan na ang sulatin kong jejemon ngunit tuloy pa rin ang madalas na hits dito. di ko tiyak ang mga pigura ngunit sa tingin ko, maaaring kalahati ng mga napapadpad sa blog na ito ay dahilan ng pag-google sa jejemon. may isa pa ngang nagkomento na ano raw nga ba ang masama sa jejemon. dalawang beses niya itong inihulog ngunit di ako sumagot.

ayon sa philippine daily inquirer, ang jejemon ay isang bagong lahi ng mga hipster, maaaring bata o may edad na, na di lamang nakabuo ng sariling lenggwahe at teksto kundi may sarili na ring sub-kultura at moda sa maikling panahon. sa tingin ko, ang kombinasyon ng paglitaw ng mas makabagong mga handsets; pagiging higit na mura ng bayad sa internet at presyo ng mga laptop; at muling pag-uso ng masisikip na pantalon at makukulay na palamuti sa katawan, ang nagbigay-daan sa sub-kulturang ito. idagdag mo pa ang pananamlay ng jologs, ang baduy at bakya ng huling bahagi ng dekada 90 at unang pitong taon ng dekadang ito, at pag-usbong ng emo, kung kaya't nalimliman ang pagsilang ng mga jejemon.

bagamat wala pa yatang nalalathalang anumang pagsusuri sa epekto ng jejemon sa kakayahan ng mga estudyante sa balarila at wika (ingles man o pilipino), naaalarma rin maging ang deped dahil maaaring lalong bumaba ang antas ng kapasidad ng mga mag-aaral na makipagtalastan ng tama sa ingles at pilipino kung magpapatuloy ang paggamit ng jejemon sa text at sa internet.

walang masama sa pagpapakilala sa sarili, pagpapahiwatig ng kinaaariang pangkat at pagpapahayag ng anumang saloobin. ngunit di rin dapat isakripisyo ang kalinangan at tuwid na paggamit sa wika upang magkaroon ng kakatwang tatak at sub-kultura. lalo na nga't nakabatay sa ating kakayahan sa wika ang malaking bahagi ng kabuuang kita ng bansa, maging sa BPO o anumang larangan. sa sandaling maligwak ang likas na kakayahan sa tamang pakikipagtalastasan, maaaring higit na malaking kawalan ang abutin ng ating bansa sa lalong madaling panahon.

No comments:

Post a Comment