Thursday, March 24, 2011

despedaçado

1910, lupaing-tuyot ng hilagang silangan ng brazil ang lunan ng abril despedaçado. ang 20 taong gulang na si tonho (rodrigo santoro) ay ang pangalawang anak na lalaki ng pamilya breves at ang nakatakdang kumitil at mamatay bilang bahagi ng patuloy na hidwaan at dugo sa dugong alitan sa pagitan ng mga breves at kalabang angkan ng mga ferreiras. sa lumipas na mga salinlahi, matindi ang awayan ng 2 angkan hinggil sa lupa at magkakawing sa isang mata sa matang patayan ng mga anak na lalaki. kaakibat ng ubusan ng lahi na ito ang isang partikular na alituntuning "ang bawat pagdanak ng dugo'y may katumbas na dugo para sa magkabilang panig. walang sinuman ang may karapatang kumuha ng labis sa malaon nang nakuha." dahil dito, tigmak ng kabiguan at istoikong kawalan ng pag-asa ang buhay ng bawat kasapi ng pamilya ni tonho.

isang kamisang tigmak sa dugong pumusyaw na ang kulay, nakasampay at nililipad ng hangin ang umpisa ng pelikula. ari ito ng panganay na kapatid ni tonho na binaril ng isang miyembro ng pamilya ferreira. ang paghihiganti ng kamatayan ng isang kasapi ng pamilya ay isang rikisito ng madaskol na sistemang honor ng mga pesante ng mga panahon iyon. ipinahihiwatig ng pagdilaw at tuluyang pagpusyaw ng mantsa ng dugo sa kamisa ng namatay ang pansamantalang kapayapaan sa pagitan ng magkabilang panig.

sa isa sa pinakamahusay na paabakadang pagkakasunud-sunod ng ekseng tugisan na aking napanood… hinabol, binaril at pinatay ni tonho ang isa sa mga anak na lalaki ng mga ferreira. labag man sa kalooban, sumunod sa utos ng kanyang ama si tonho. batid niyang bagamat may tigil putukan habang di pa tuluyang nabubura ang dugo sa kamisa ng kanyang pinatay, bilang na ang kanyang araw. sa tinig ng bulag na patriyarko ng mga ferreira, biyak na sa 2 ang buhay ni tonho: ang 20 taon niya sa mundo at ang iilang linggong nalalabi rito. di maaaring takasan ni tonho ang kanyang tadhana dahil lalamunin ng kahihiyan ang kanyang buong angkan sa sandaling labanan niya ang malaon nang napagkasunduan. sa sirkulong ito, malilipol ang parehong angkan hanggang sa dugo na lamang ang matitira. bagamat di pa nararanasan ni tonho ang maraming bagay sa mundo tulad ng pag-ibig, gutay-gutay na ang kanyang abril (ang buwan kung kailan nangyari ito)… ang titulo ng pelikula sa portuguese.

isa sa maraming ekstraordinaryo sa pelikulang ito ay ang mahusay na pagsambulat ng mga banghay ng istorya. ang mabagal na tempo ng mga imahe nito ay kaakibat ng magaspang na kagandahan ng paligid at may-halong hilakbot na musika. lahat ay sangkap ng isang dramatikong kabalisahan at puno ng simbolismo ang bawat kuwadro ng pelikula. ang kiskisan ng tubo ng mga breves ay pinatatakbo ng dalawang kalabaw na pawang paikot ang lakad. madalas kaysa hindi, may hampas at sigaw mula sa ama ni tonho ang dalawang kalabaw, kaya naman tuluy-tuloy lamang ang mga ito sa paglakad na paikot kahit alisin na ang pamatok ng mga ito sa paglubog ng araw. metaporo ito ng kalakaran ng patayan sa pagitan ng mga breves at ferreira, 2 pamilyang inalipin ng pamatok ng paghihiganti at ng puwersadong pamumuhay ayon sa batas ng kani-kanilang mga patriyarko. at sa kabuuan, ito'y isang di matatakasang karma ng bawat lalaking kasapi ng magkabilang pamilya. salit-salitan ang nakabubulag na sinag na araw at ang tuyot na caatinga (ang lupang tuyo ng rehiyong ito) at ang karimlan ng gabi na iniilawan lamang ng kandila at saunahing lampara. dala ng gabi ang malambong na panandaliang ginhawa ngunit kaakibat nito ang kung anumang hilakbot na bunga ng patayan.

nais ni tonho na kumawala sa siklong ito ngunit walang paraan at walang pagkakataon. hanggang isang araw, nakilala nila ni the kid, ang kanyang bunsong kapatid na di na pinangalanan dahil sa naghihintay ditong kapalaran, si clara, isang babaing miyembro ng isang palibut-libot na mga sirkero. mula kay clara, nakatagpo si tonho ng pausbong na pag-ibig na nagbabadya ng pagkakataong makasumpong ng bagong tsansa sa dakong malayo sa baluktot na pesanteng pagtingin sa buhay. binigyan naman ni clara ng aklat si the kid, na nagbigay-daan sa paglawak pa ng imahinasyon ng bata, kabilang na ang pagbalangkas ng kakaibang reyalidad na siya ang protagonista at maaaring mag-iba ang ploto ng istorya ayon sa kanyang naisin. mula rito, lumitaw din sa salaysay na ang pangalan ng bunsong kapatid ay pacu. sa isang banda, natagpuan din ni clara kay tonho at pacu ang pagkakataong lumaya sa kalakaran ng sirkus kahit sandal.

tumulin ang tunguhin ng istorya sa kasukdulan nito. madarama ng bawat manonood ang hilakbot na bunga ng pagpusyaw ng dugo sa kamisa, ang senyal ng pagtugis ng bagong asesino kay tonho. isang metaporiko rin ang dala ng di inaasahang ulan. magkakaroon din kaya ng di inaasahang pagkawala para kay tonho tulad ng pagdilig ng ulan sa nangangalirang na kalupaan? paanong matatakasan ang siklo ngunit di mababahiran ng kahihiyan ang honor ng kanyang pamilya? ang kasagutan ay simple at makahulugan. sa isa sa mga romantikong tagpo sa pelikula, pinaikit-ikit ni tonho si clara sa lubid. mula sa pabilis nang pabilis na pag-ikot ng lubid, nakita ni pacu sa mata ng kanyang kuya ang kagila-gilalas na kalayaan at ito ang naging hudyat na akuin ni pacu ang tungkuling wakasan ang karahasan. si pacu ang nabaril, sa halip na si tonho. at dahil dito, natapos ang siklo ng karahasan. isang alituntuning di kasama ng berbal na diskurso ng bawat angkan ay di maaaring patayin ng kabilang panig ang sinuman sa kabilang angkan, kundi ang naunang asesino lamang. makirot ang resulta ng pagkamatay ni pacu ngunit mula rito ay naibsan ang tanikalang patayan.

tagumpay ang paghalaw ni walter salles sa orihinal na nobela ni ismail kadaré, ang broken april na isinulat sa albanian. masidhi ang tunggalian ng mga ideya ngunit ito't tinalakay sa walang kalatis na paraan. mahuhusay ang mga nagsiganap lalo na sina pacu (ravi ramos lacerda), ama (jose dumont) at tonho (rodrigo santoro). may kung anong tahimik na hilakbot ang pelikula dahil sa mahusay na lapat ng iskor habang magaling na isinalarawan ng sinematograpiya ang bawat metaporo, maging ang damdamin at masigid na kawalan nito. ang suryal na kapaligiran ng tigang na brazil ay inulaol ng kawalang-panahon ng paghihiganting likas na sa tao. ngunit binalot din ito ng ugnayang pag-ibig ng magkapatid at kanilang naising lumaya sa tila elemental na paniniwala ng kanilang angkan sa ritwal ng patayan. tila umepekto rin ang tamis ng bawat tubong piniga sa kanilang kiskisan nang makalaya si tonho sa siklong patayan, salamat sa sakripisyo ni pacu.

di ito nanomina sa oscar bilang isa sa mahuhusay na pelikulang wala sa wikang ingles. ngunit kabilang ito sa listahan ng bafta, golden globes at nag-uwi ng
tropeo mula sa venice filmfest at ilang panalo para kay rodrigo. isa ito sa pinakamahuhusay na pelikulang napanood ko.

No comments:

Post a Comment