Monday, March 21, 2011

lindol

sa gitna ng pagmamadali upang mapadala na lahat ng sagot sa naipong mga eletronikong pahatid, biglang yumanig ang paligid. yanig na may kaakibat na pagtalbog... lumilindol sa kamaynilaan. bandang alas 6:30 nitong gabi, dagli naming naramdaman ang pagyanig. sa kinauupuan ko (gilid ng aming yunit), malakas ang tila pag-alog na mosyon na dulot ng 5.7 magnityud na lindol. malapit sa lubang island, mindoro ang episentro ng lindol, kaya't damang-dama sa makati ang pagyanig ng lupa, lalo na marahil sa mga gusaling higit na mataas sa antel. pagkatapos ng ilang sandali, tila gumagalaw pa rin ang lupang kinatitirikan ng antel. nag-iwan ito ng tila maliit na bahagdan ng pagkahilo sa amin dahil makaraan ang 30 minuto, tila may pasundot-sundot pa rin na pagyanig.

bagamat higit sa dalawang dekada na ang lumipas nang yanigin ng 7.8 magnityud ang luzon noong ika-16 ng hulyo, 1990, sariwang-sariwa pa ang mga sandaling iyon para sa akin. bandang alas-4 ng hapon, habang nagbabantay ako ng aming tindahan at gumagawa ng takdang-aralin sa english (guro namin ay si gng. erlinda naoe), kasama ang aking bunsong kapatid na si liezl, bigla naming naramdaman ang bayolenteng pag-uga ng lupa. malakas ang lindol, ngunit kahit na malakas ang pagyanig, nakuha ko pang alalayan ang mga bote ng toyo dahil baka bumagsak ang mga ito mula sa istante at mabasag. dumating si kuya bob, at pinalabas niya kami ng bahay. pagkaraan nito, ilan pang mga pagyanig ang dumatal. katakut-takot ang pinsalang idinulot nito sa kabuuan ng luzon, lalo na sa gitna at hilagang luzon, partikular na sa mga lungsod ng cabanatuan at baguio.

walang anumang babala ang lindol. at sa kabila ng pag-abanse ng teknolohiya, wala pa ring paraan upang tukuyin kung saan tatama ang susunod na lindol at kung gaano kalakas at anong uri ito. at dahil dito, sa tuwing mararanasan mo ito, may kung anong uri ng hilakbot ang babalot sa iyong katawan at lulukob sa anumang malay-tao ng isang indibidwal. maaaring dahil muling ipinahihiwatig nito ang katotohanang anumang sandali'y maaaring mawala ang lahat sa iyo at sa isang iglap ay mautas ang buhay at naglalagay sa karamihan sa ibayong alanganin. sa kabila nito, ayon sa phivolcs, higit na maigi ang pagkakaroon maliliit na lindol sa gayon, naiibsan ang naiipong bigat at priksyon sa pagitan ng mga pleyt at paggalaw ng mga linya ng folt. pinatutunayan nito ang kahalagahan ng pagiging handa sa sandali ng kalamidad at sakuna. (ang mga larawan ay kuha noong 1880 nang tamaan ang kalakhang maynila ng isang malakas na lindol.)

No comments:

Post a Comment