Sunday, November 27, 2011

berri

hilig ko ang uminom ng juice… sariwang dyus ng halos lahat ng prutas. mas madalas kaysa hindi, nauuwi ako sa minute maid pulpy orange o di kaya naman ay kahit anong dyus ng mansanas kapag napapadaan ako sa sm makati o shopwise. pasok sa badyet ang minute maid at kahit anong apple juice na di lalagpas ng otsenta pesos. luho ko nang matatawag ang dalawang beses na kada buwan na pagbili ng pink guava berri juice. lagpas sa 180 pesos ang isang 2.4 litro nito at wala itong iba pang sukat sa kahit anong merkado rito sa pinas.

nitong unang linggo namin sa tft, bumuwelta kami ni emma sa s&r upang mananghalian at maglakad-lakad na rin. perstaym ko sa s&r kaya lakad-lakad hanggang masumpungan ko ang breakfast juice ng berri. bagamat inaalihan pa rin ako ng matandang paniniwala na di puwedeng magdyus sa umaga dahil malalamigan ang sikmura, akma raw ang berri juice na ito sa umaga kaya ko binili upang masubukan. masarap naman ang breakfast juice na ito. sangkap-sangkap ng iba't ibang uri ng prutas at walang maantang lasa.

biyernes ng pangalawang linggo ng nobyembre, lagpas kalahati pa ang juice ko. ngunit sa aking pagbabalik kinalunisan, taob na ang lalagyan nito. said ang laman at wala na ngang itinira ang sinumang lumagok nito! tila ginawang mineral water ito at ipinangtighaw sa kanya (o kanilang) lalamunan na di pa yata nasasayaran ng higit na mahal na dyus kaysa sa karaniwan. iniwan pa talaga sa lababo ang basyo ng dyus… hinihintay na matuklasan ko ang kahindik-hindik na kapatay-gutuman!

di naman ako maramot sa bagay-bagay na tulad nito. ngunit, sa panglahatang lugar tulad ng opisina, urbanidad ang dapat na mamayani. kung walang kakayahang bumili ng ganitong dyus, manghingi o magsabi man lang na… "hoy, nilagok ko nga pala 'yung juice mo!" di naman ako magagalit. matatawa pa ako! di ako "ootsenta" kundi mahahabag ako sa indibidwal na umubos ng isang bagay at walang gulugod na aminin ang kawalan niya ng tumpak na kaasalan.

No comments:

Post a Comment