Wednesday, January 11, 2012

central do brasil

mabalasik, masungit at mukhang laging biyernes santo ang retiradong guro na si dora, ang bida ng central do brasil. bagamat inuupahan ng mga di marunong bumasa't sumulat si dora upang lumiham sa kani-kanilang kamag-anakan, may kung anong pighati't aglahi si dora sa kanyang mga kostumer sa central station ng rio de janeiro. madalas kaysa hindi, walang anumang intensyon si dora na ihulog ang mga liham na ipinasulat ng kanyang mga kostumer. bukod dito, mukhang kinalahig talaga ng manok ang mga letrang kanyang isinusulat sa mga pilas ng papel.

katatapos lamang magpasulat ng ina ni josue, isang 9 na taong batang lalaki, nang masagasaan ito paglabas ng mag-ina sa istasyon ng tren. di pa nakikita ni josue ang kanyang ama at mula sa malagim na pagkamatay ng kanyang ina, isang ekstraordinaryong relasyon ang nabuo kina dora at josue… bagamat di ito agad-agad. nang mamatay ang ina nito, pinatuloy nga ni dora si josue sa kanyang bahay, ngunit di upang tulungan ang bata. ang tanging tangka ni dora ay ibenta ang bata sa mga sindikatong namimili ng bata, kapalit ng malaki-laking halaga ng dolyares. nagdalawang-isip lamang si dora nang kanyang malaman ang tiyak na mangyayari kay josue kapag ibinenta niya ito sa mga sindikato. pagkakakitaan ng sindikato ang pagbebenta sa iba't ibang bahagi ng katawan ng bata sa pailalim at pandaigdigang bilihan ng mga organ ng tao. sapagkat wala ring anumang plano si dora na ibalik ang bayad sa kanya ng mga sindikato, di siya maaaring manatili sa kanyang bahay. kung kaya't kinaray niya si josue palayo sa rio de janeiro at bumiyahe sila pa-hilagang silangan ng brazil upang hanapin ang ama ni josue.

sa simula ng pelikula, maaaring akalain na ito'y simpleng istorya lamang ng isang babaing aampon sa isang bata dahil sa kalunus-lunos na buhay ng huli na pinalala pa ng pagpanaw ng ina nito. ngunit unti-unting magiging klaro na si dora ay walang puso at oportunista. sa kalaunan ng kanilang paglalakbay, ang kontrabidang ito'y naging tao at natutong magpakatao. ang di karaniwang parehang ito ay nagsimula bilang estranghero't natatalibaan sa isa't isa. ngunit ang rowdtrip nila sa paghahanap sa ama ni josue ay naging daan upang maging isang mabuting nilalang si dora sa pamamagitan ng matapang na desisyong gawin ang tama. kahit sa maikling panahon, nagkaroon din ng bagong ina si josue.

sa katapusan, natagpuan din nina dora at josue ang tirahan ng ama. dito nila nakita ang nakatatandang kapatid ni josue ngunit wala sa bahay nila ang ama. may kabog sa dibdib na nanaisin ng bawat manonood na maging maayos ang kahinatnan ni josue. bagamat malayo ito sa hapili-eber-apter na katapusan, senyal ito ng bagong direksyon sa magkahiwalay na mga buhay nina dora at josue. agos ang luha sa katapusan ng pelikula nang piliin ni dorang iwan si josue, dali-daling sumakay ng bus at tuluyang lisanin ang batang naging integral na bahagi ng kanyang buhay sa napakaikling panahon.




kahanga-hanga si fernanda montenegro (nanomina sa oscar bilang pinakamahusay na pangunahing aktres) bilang doña dora. bukod sa mahusay na istorya't direksyon ni walter salles, si montenegro ang isa sa pinakamalaking rason kung bakit dapat panoorin ang central station. halatang nauunawaan ni montenegro ang karakter ni dora dahil sakto't angkop ang bawat reaksyon nito sa lahat ng sitwasyong inilahad ng pelikula. propyedad na maituturing ang musika nina jacques morelembaum at antonio pinto sa paglalakbay nina dora at josue. ang interyor ng brazil ay mahusay ding nailarawan ng sinematograpiya ni walter carvalho. ang paggamit ng iba't ibang imahen ng relihiyon at ang magkakatunggaling modernong ebanghelismo at tradisyunal na katolisismo na ihinalo sa katutubong pananampalataya ay nagdagdag ng ibang dimensyon sa rowdtrip nina dora at josue.

maaaring maging sobrang sentimental sa iba ngunit ang central station ay isang tunay na yaman ng sinemang brazilian. unibersal at tiyak na titimo sa puso ng manonood ang salaysay ng isang sinikong babae na naging ina sa isang batang naulila sa tunay nitong ina. natutuhan ni dora ang tunay na kahulugan ng pag-ibig habang natuto rin si josue kung paano muling mabuhay. walang bahid ng pang-iinsulto o panghuhukot ng ibang tao, tagumpay ang pelikula na tinagin, pag-usutin at laruin ang damdamin at ekspektasyon ng mga manonood. umiigting sa suson-suson nitong sinematikong palaman, ang pelikulang ito ay ganap na kaluguran mula umpisa hanggang katapusan.

No comments: