Wednesday, January 4, 2012

katamad

may kung anong nakabibinging katahimikan. tanging takatak lamang ng tipahan ng laptap at mahinang sireno ng erkon ang madidinig, bukod sa ugong ng naglalakihang makina sa itinatayong gusali ng globe. salit-salit ang pag-ariba ng sinag ng araw at ibayong kulimlim na nagbabadya ng ulan. panay ang pag-ubo ng iba, habang ang iba nama'y abala sa pag-antabay sa napipintong pagbahing dala ng sipon.

lahat ay sumusubok magsimula ng trabaho. paano nga naman, santambak ang naiwan pagkatapos ng mahaba-habang bakasyong dala ng kapaskuhan. ngunit sadyang mabigat pa ang mga katawan… kaya halos lahat ay huli sa pagpasok kaninang umaga. may tila bato ring nakadagan sa mga likod ng mga palad, kaya naman imbis na buksan ang anumang dokumento, mas magaan ang pagbabasa na lamang ng istatus ng mga kaibigan sa facebook at twitter. mayroon din namang nagbabasa lang ng kung anu-ano sa internet upang lumakad ang oras at dumatal ang uwian. tila binagsakan nga ng katam ang bawat isa sa tuwing magbabalik sa trabaho pagkatapos ng mahabang patlang.

alihan nawa ng kasipagan sa nalalabing dalawang araw ng linggong ito!

No comments:

Post a Comment