Wednesday, January 25, 2012

lumphini

salamat kay chin, kaibigan ni liz, at nakabili na ako ng sapatos para sa pagtakbo. 50% ang diskuwentong nakuha ko sa pagbili nito mula sa nike sa boni high street. pero halos isang buwan muna ang lumipas bago ko ito nagamit. bakit? dahil sa kung anu-anong dahilan tulad ng "marami kasi akong ginagawa" o kaya naman, "wala akong dalang pampalit eh". sa wakas, nakasama ako kina emma, joseph at mabel sa pagtakbo sa paligid ng high street bago kami magbakasyon nitong nakaraang disyembre. at siyempre… dalawang araw masakit ang mga kalamnan ko! sa loob ba naman ng mahigit sa tatlong taon, 'yung gabi lang na 'yun ulit ako nagkaroon ng matindi-tinding ehersisyo.

umisa ako ng takbo bago kami bumalik sa opisina 'tapos ng bagong taon. isa ulit n'ung bago ako pumunta sa KL, kasama sina emma at joseph. ok naman. wala na ang pagsakit ng tadyang ko pagkatapos ng takbuhan, kahit na bahagya kaming naambunan. siguro dahil di nga tama ang aking paghinga habang tumatakbo n'ung mga unang beses.

nalimot ko naman ang aking sapatos n'ung pumunta ko sa KL kaya di ako nakatakbo sa paligid ng petronas towers. kaya ngayong may dalawang linggo ako ng paglilibot sa bangkok at singapore, siniguro kong dala ko ang lahat ng aking kailangan - rubber shoes, singlet, shorts, towels.

nagdadalawang-isip pa nga akong tumakbo sa bangkok nitong lunes lang. ang sabi ng receptionist sa
sivatel, mas maigi raw tumakbo sa chatuchak park kaysa sa lumphini. mas konti raw ang tao sa chatuchak at mas ok ang tugaygayan kaysa lumphini. pero ang layo naman nito! kailangan pang mag-BTS, mga 35 baht din ang pamasahe. at 'pag pumunta ako sa chatuchak, pawisan din akong sasakay ng BTS pabalik ng ploenchit at ng sivatel. ang labo di ba? ayon din sa ilang sites sa internet, nilalagay mo raw sa panganib o pinsala ang iyong sarili 'pag tumakbo ka sa mga bangketa ng bangkok dahil sa dami ng mga tao rito at iregular o baku-bakong tisaan.

kaya naman mas pinili ko ang parke ng lumphini. dire-diretso lang ng thanon wittayu mula sa sivatel at voila, lumphini na. mga 15-20 minutong paglakad din siguro ito kaya ok na itong warm up. di ako pamilyar sa hitsura ng parke kaya naman sinunod ko lang ang aking mga paa kung saan ako nito dalhin. sa sobrang ok na sorpresa, may libreng aerobics class sa gitna mismo ng parke! di ko naiintindihan ang sinasabi ng pampaindayog na musika kaya sinundan ko lang kung ano ginagawa ng lider at ng ibang nag-e-aero. ang saya! huling beses ko nag-aero ay n'ung miyembro pa ako ng slimmers world sa pasay road… mga 5 taon na ang nakakaraan! halos 20 minuto rin akong pasayaw-sayaw kasama ang mga thai. ang pinakahaylayt na n'un ay ang pag-uunat na maigi para sa aking pagtakbo. 6:30 raw ang umpisa ng libreng aerobics sa lumphini.

tapos ng aero, takbo-takbo na kahit kumakalansing ang mga barya ko sa bulsa. dami ring tumatakbo. may mga puti, may mga turistang asyanong tulad ko, pero mas marami ang mga thai. pami-pamilya, may nag-iisa lang. may matatanda at mayroon din namang mga tinedyer na naghahanap ng salidahan ng impok na enerhiya. mayroon din namang naglalakad-lakad lang di nakasuot ng pang-jogging. sinundan ko ang paligid ng artipisyal na lawa, kulang-kulang 2.5 kilometro raw ito. pero siyempre, may mga shortcuts din akong ginawa. di ko kasi makita ang pinasukan ko mula sa wittayu! nakadalawang beses rin akong ikot, kaya ok na ako.

bandang 9:20 ng gabi, naglalakad na ako pabalik ng sivatel. gutom na, kaya humanap muna ako ng makakainan. sarado na ang streetfood corner malapit opisina ng aydisi sa wittayu, kaya tumuloy na ako hanggang sukhumvit. wala rin akong makita sa paligid ng ploenchit, kaya nag-BTS din ako papuntang siam square. 35 baht para sa maanghang na giniling na baboy at masarap na omelet, dagdagan pa ng kung anu-anong matatamis, ayos ang buto-buto!

nalabhan ko na ang aking singlet kaya tatakbo ulit ako sa lumphini 'pag walang anumang lakad kasama ang mababait na mga thais.

No comments:

Post a Comment