Sunday, March 18, 2012

kampante

tagal na ng pakiramdam na ito di ba? gusto mo ng bago. gusto mo ng mataas na kita. nais mong kumawala sa mga buwisit, sa anumang di umokey. o kahit anong bagay na di naging pabor sa iyo. gusto mo ng mas malaking asenso. may feeling pa na baka pumuwedeng mangibang-bayan.

pero anong nangyari? lumipas ang ilang taon. nagsilayasan na ang marami. lumitaw ang sandaang mga isyu at inugat na, nandito ka pa rin. numipis na ang buhok mo, nagkaedad na at lahat. daming nakapagpatanda sa iyo, pero nandito ka pa rin. nabawasan na ang malalambot na balik, di naman tumaas ang kita ng masyado, pero nandito ka pa rin.

bakit nga ba? ano bang meron dito? may inaabangan pa nga bang medyo malaki? baka naman tinatamad ka lang na bumalik sa proseso ng interbyuhan, tawaran at ano pang kailangan upang makahanap ng bago. puwede rin namang ayaw mong maiba ang nakagawian. o kaya talagang ok ka na rito… di kaya?

pero hindi, di ba? may mas ok sa ibang dako… at 'yun ay malaki ang kasiguruhan. lahat ng umalis, naging mas ok ang kinapuntahan. nagkaroon ng mas malaking kita. at siyempre, kahit naman saan, may isyung sobrang dami. may stress at may mga buwisit. kaya di rin naman rason ang mga ito upang di maghanap ng iba.

ibuburo mo pa rin ba ang sarili mo sa lugar na panlabas lang naman ang asensong matatawag? oo nga't nasasagot naman ng kuwartang mula rito ang maliliit mong kapritso. nakalalabas ng bansa na sagot nila ang gastos. nakapagbibigay naman sa mga kapamilya kahit paano. pero hanggang kailan mo kukumbinsihin ang sarili mo na ok pa naman.

'wag nang magpabulid sa alinlangan. panahon na upang tumingin sa ibang dako. magmasid at magsimulang umararo ng bagong lupain. hindi matatapos ang impit na hinaing kung mananatili kang kampante. pasasaan ba't magiging kampante ka rin sa susunod na linangan.

kailangan mo lamang magsimula. ngayon na?

No comments:

Post a Comment