Wednesday, May 23, 2012

corona

ok na sana. mukhang nakapuntos na ang punong mahistradong si renato corona sa publiko dahil sa kanyang tatlong oras na talumpati't testimonya sa senado kahapon. di man siya nagbigay ng mga tuwirang patunay laban sa mga akusasyon sa kanya, tila nakuha niya ang sentimiyento ng mga mamamayang wala pang desisyon kung siya ba'y maysala o inosente. ginamit niya ang mga probisyon ukol sa akawnt na nasa dolyares at teknikalidad upang salagin ang mga paratang sa kanya. sa pagharap lamang sa korte, parang umayon ang takbo ng mga bagay-bagay sa kanya dahil sa paglapit sa ethos o emosyon ng publiko. pang-maalaala mo kaya ang iskripted niyang pagluha. pinalabukan pa ito ng matatalim na mga tingin sa prosekusyon at pagbibitiw ng mga linyang pang-oratorikal na kontes. mas mahusay pa nga 'ata siyang aktor kina diether ocampo at dingdong dantes! kahit na ba sangkatutak na patutsada sa administrasyong aquino at kay ombudsman conchita carpio morales ang ibinato niya, iginalang pa rin siya ng hukuman at ng mga senador, lalo na ni senador enrile.

tila tumigil ang paghinga ng marami nang simulan niya ang madramang pagpirma sa waiver na magbubukas ng kanyang mga akawnt sa mga bangko. sa twitter, may mga nagsabi pang, "CJ is the man" dahil sa aktong ito ng pagpirma at pagdedeklarang maaari nang bulatlatin ninuman ang kanyang mga rekord. ngunit ito'y bahagi pala ng isang tusong pambablakmeyl sa mga kongresista at sa taumbayan. may kondisyon ang kanyang waiver... bubuksan lamang niya ang mga ito kapag pumirma na ang higit sa 180 na mga mambabatas na sumang-ayong siya ay patalsikin sa puwesto. dahil dito, kanyang pinatunayan na siya ay may mataas na intelek. biruin mo namang ibatong pabalik ang bola sa mga taong nag-akusa sa kanya at hikayatin ang publikong manawagan ng malawakang pagbulatlat sa mga tagong yaman. para saan pa't naging punong mahistrado siya kung di niya gagamitin ang lahat ng tusong istratehiya upang idirek ang daloy ng paglilitis sa isang dedlak. sa huli, naging maliwanag din sa publiko na "di pahuhuli ng buhay" si corona. sa pamamagitan ng mahusay na kumbinasyon ng kaalaman sa batas at tapang ng apog, itinulak niya ang mga senador at ang publiko na magkaroon din duda rin sa mga paratang ng prosekusyon. dahil sa kondisyunal na waiver na ito, malinaw na wala rin palang anumang sinseridad si corona.

pagkatapos ng litanyang ito, biglang tumayo si corona at tumalilis palabas ng bulwagan. ito ay kahit na wala pang pahintulot mula kay enrile at ng hukuman. mula sa mala-tmz na kuha ng abs-cbn, naghihintay na ang expedition ni corona upang ibiyahe siya palabas ng senado. buti na lang at nasakote siya agad ng mga guwardiya at pinilit na ibalik sa bulwagan. pagbalik sa bulwagan, naka-wheelchair na at wala na ang amerikana. sinumpong diumano ng hypoglycemia si corona at maaaring inatake sa puso kaya nahilo ito at nanghina. nag-workshop din ba si corona kay gma? pareho ang kanilang mga taktika - paggamit ng pekeng sakit. para kay gma, upang umiwas sa mga kaso at di makulong sa bilibid, habang kay corona ay upang maiwasang ma-cross examine ng prosekusyon at di rin mausisa ng mga senador. kasangkapan din ang pagkakasakit kuno upang mabalam at lalong tumagal ang paglilitis. tila ba sinasabi ni corona sa publiko na bilang punong mahistrado ng bansa, siya ay di saklaw ng saligan ng paghanap ng katotohanan, ang mausisa ng prosekusyon, sa ating mga hukuman. at siyempre, upang gumanyak pa ng higit na lapit sa emosyon ng publikong maaaring maawa sa kanyang kalagayan. ang pagtalilis at kunwa-kunwaring pagsama ng pakiramdam ay ikatlong kabanata sa teleserye ni corona ng araw na ito at ang lahat ng ito ay matamang pinlano at ayon sa isang kumpletong koryograpiya. sa kanyang pag-alis ng walang pahintulot, hinahamon niya ang senadong desisyunan na ang kaso at dagliang magbotohan. sa gayon, kung ang magiging hatol ay di pabor sa kanya, maaari niyang ipangalandakan sa publiko na siya ay di binigyan ng kaukulang respeto at ito'y bansagang mistrial. mahusay na taktika. buti na lang at nasawata siya agad at nanindigan si enrile. bakit nga ba di siya ikinonempt ng senado? at bakit habang nangyayari ang lahat ng ito ay tahimik si senador miriam santiago? senyales ba ito ng isang malalim na sabwatan? 'wag naman sana.   


sa huli, simple lang naman... kung ang yaman mo ay tunay na galing sa mabuti at walang bahid ng anumang kabulastugan, isiwalat na sa publiko nang matameme na ang mga nag-aakusa. kung may patunay kang galing ito sa wastong paraan, tataas ang kumpiyansa ng publiko sa iyo. ngunit kung may mantsa ng iregularidad, kailangangang isakatuparan ng isang tusong matsing na gaya ni corona ang kanyang pangteleseryeng akto.

magbotohan na kayo, mga senador. bagamat pulitikal na pagboto pa rin ang mangyayari... kailangang malaman na ng publiko kung ang korona ay kay corona nga.

No comments:

Post a Comment