Wednesday, May 30, 2012

impeached

bago sumalang si ombudsman conchita carpio morales sa senado, kumbinsido akong di mako-convict si renato corona. ang tingin ko, di siya maaalis sa puwesto dahil di maaabot ang kaukulang 16 na boto para tuluyan siyang mapatalsik. tiyak na rin akong ia-acquit siya ng mga senador na sina miriam santiago, joker arroyo at bongbong marcos.

kahapon, abut-abot pa rin ang kaba ko. baka kako magkatotoo ang aking unang pakiramdam na wala ring kahihinatnan ang limang buwang paglilitis. ngunit, salamat naman at taliwas sa naunang hinuha ang kinalabasan. napatalsik si corona bilang punong mahistrado sa botong 20-3. kanya-kanyang pasikat ang mga senador. pagkakataon na nga naman nilang magpa-star sa publiko dahil nakatutok ang halos lahat ng pilipino sa mga oras na 'yun. siyempre pa, pinakawalan na naman ni miriam ang maruruming mga salita at idineklara na naman niya ang kanyang "katalinuhang higit kaninuman".


oo nga't may mga pulitikong higit na garapal ang pandarambong sa kaban ng publiko. umiinog nga ang pagkukunwaring-banal ng ibang nasa puwesto. may mga nasa posisyong grabe ang pagkamalabiga. ngunit di nito dapat hadlangan ang higit na malaking mensahe ng pagkakatanggal kay corona sa posisyon. para sa akin, ang kahalagahan ng demokratikong ehersisyong ito ay ang paghahatid ng mensaheng maski sino'y dapat managot sa bayan at ihantad sa publiko ang mga impormasyong dapat alam namin, gaya ng mga ligal at tagong yaman. pagbabadya ang pagpapatalsik kay corona na handa na ang publikong makitang maalis sa puwesto ang sinuman, maging siya ang pinakamataas na hukom ng bansa. kailangan ng mga mamamayang makasaksi ng tuwirang pagpapanagot sa mga mandarambong at nang mabawasan o tuluyan nang mawala ang kultura ng impunidad o kawalang kaparusahan sa mga halang ang bitukang mga pinuno.

bagamat pulpol nga ang naging dating nina niel tupas at miyembro ng prosekusyon, sapat na sa akin na napatibay nila ang haka-hakang di talaga matuwid si corona. salamat at pinatawag ng depensa si carpio-morales, isang eksperto sa batas na walang bahid ng dumi ang pangala (di gaya ni miriam santiago). dahil sa kanya, tumagilid ang depensa nina serafin cuevas at lalong tumindi ang duda ng mga senador at publiko kay corona.

sa pagtatapos ng paglilitis kay corona, nawa'y matalakay at madesisyunan na rin ang mga nakabinbing panukala ukol sa reproductive health at freedom of information. higit sa lahat, dapat ay habulin na ang mga naglalakihang buwayang sina gloria macapagal arroyo at kanyang mga kachokaran at papanagutin sa batas.

2 comments:

  1. ang hirap naman basahin ng blog na ito. kailangan ko pang gumamit ng salamin...hehehe.

    oo nga, sana mahabol na din ang iba pang mga kurakot ng bayan para naman umabante na ang Pinas ng tuluyan.

    ReplyDelete
  2. ang hirap naman basahin ng blog na ito. kailangan ko pang gumamit ng salamin...hehehe.

    oo nga, sana mahabol na din ang iba pang mga kurakot ng bayan para naman umabante na ang Pinas ng tuluyan.

    ReplyDelete