Thursday, May 17, 2012

kim

sa wakas, umayon din ang ihip ng panahon sa akin.

akala ko, di na ako babayaran ng aydisi sa mga abonong pinaggagawa ko nitong mga nakaraang buwan. bukod sa di na makatarungang pagbusisi sa bawat sentimo, lahatang dinedma ang lokal na gastos ko. di pinansin at para bang nabaon na lang sa limot. dahil dito, nawalan ako ng ganang ayusin ang mga listahang ito. at kinailangan pang mangilak ng paraan kung paanong di maaapi pero di na kailangan pang dumaan sa mahigpit na wasiwas ng bangs ni kim.

kahapon, sa isang hawi ng panggilid na bangs, umaprub din. salamat at maibabalik na sa akin ang ginastos ko para sa trabaho. ngunit di rin dapat magpasalamat eh. responsibilidad na ibalik agad ang inabono dahil pera ko ito at wala ni singkong duling ang makukuha mong pauna mula sa kumpanya 'pag may gastusin. para sa lahat ng gastos, ikaw muna ang magbabayad kasi nga 'yun na ang nakagawian. kaya dapat lang na bayaran agad.

sa ibang bagay, walang pakialam. as in nada. pero sa gastusin, gumugugol ng anim na oras para lang madiwarang nitpikin ang bawat linya sa damuhong sistema! di ko alam kung sa akin lang ginagawa ito o ganito sa lahat ng miyembro ng tim. ok lang kung nais niyang kontrolin ang gastusin. pero bumu-border na ito sa kahunghangan at tuwirang kawalan ng tiwala. sa tagal ko rito, ito lamang ang tanging taong naghihinguto ng bawat linya... daig pa ang babaing dragon ni laman.

para sa iyong impormasyon, wala sa aking hilatsa ang panggogobyerno sa gastusin. malayo sa bokubularyo ko ang palaparin ang bawat nagugol. ang ilang dadaanin ay walang mararating. at higit sa lahat, di ko ipagkakanulo o isasakripisyo ang sarili kong karangalan sa pagkakamit ng hamak na pera.

ibalik lang sa akin ang inabono ko sa lalong madaling panahon, wala nang usapan.

No comments:

Post a Comment