Monday, July 16, 2012

tag-ulan

tag-ulan. iinit man sumandali ngunit lulukob ang kulimlim sa himpapawid. maya’t maya ang buhos ng ulan. apaw ang mga kanal at estero, sa kalsada ang daloy ng tubig. walang anu-ano’y nandiyan na ang tubig-baha. tigil ang trapiko at marami ang nababalaho.

kasabay ng pag-arangkada ng tubig-baha sa kamaynilaan ang pagnanaknak ng malalimang sugat na wala namang ibang may kagagawan kundi ikaw. di ko mawari kung ano ang mayroon sa pagbabadya ng ulan ngunit sa tuwing mananaig ang kaulapang maydala ng ulan, tila nag-iiba ang timpla ng mga hormon ng iyong katawan. para bang may kung anong likido sa iyong katawan ang nagsasabing hatiin ang iyong katawang gaya ng sa manananggal at maghasik ng lagim sa sangsinukuban. kapara ng pagdilim ng kalangitan ang pagdilim din ng iyong emosyon, pag-ulan ng mga walang kapararakang isyu at muling pagdaloy ng mga usaping di na dapat pang uriratin. apaw ang hinanakit mo sa mga nakaraan. at ang masama pa nito, pilit mong isinasanaw ang lahat sa bahang galing sa estero ng iyong sikmura. natutuwa ka yata na patigilin ang trapiko at piliting uminog ang buhay ng mga tao sa iyo. bukod sa matagal mo nang binalaho ang iyong sarili sa anumang pait ng nakaraan, tila nais mo ring mabalaho ang iba sa kunwang reyalidad na ikaw lamang at ang iyong maykapangyarihan ang nakauunawa. sadya nga bang inulaol na ng bagyong ngalan ay kapaitan ang buong pagkatao mo?



ano nga ba ang mayroon sa tag-ulan? bakit sa tuwing sasapit ang mga buwang maulan, palagi kang may kung anong sanga-sangang salansang na palabas? kapag mas aktibo nga ba ang pamumuo ng masamang lagay ng panahon, masugid din ang kati ng iyong puwitan na mangunsensya, umisteytment, magpataas ng ihi at pilitin ang lahat na sumunod sa iyong nais? sa bawat ulang dala ng hanging habagat, nag-aalimpuyo rin ba ang iyong kagustuhang likidahin ang ugnayan mo sa maraming tao?

sinasadya yata ang paghahasik ng delubyo. intensyunal at maingat ang bawat pagpapa-ambon ng patutsada at pagpapaulan ng walang galang na mga salita. sino ka nga ba sa tingin mo? hindi ka sagot sa kakulangan upang tawaging maalwan ang buhay. oo nga’t may kaunting pakinabang mula sa mga anggi ng biyaya mula sa iyo, hindi ka isang banal na dapat dulugan at dakilain, lalo na ang punyetang maykapangyarihan sa iyo. hindi porke pakiramdam mo’y perpekto kayo ng maykapangyarihan, bumabalong na mula sa inyo ang katumpakan ng asal at gawi na maaari na kayong bumakli ng tadyang ninuman.

hindi sa lahat ng pagkakataon ay iintindihin ka ng ibang tao. tandaan mo, nag-iiba na ang klima. tumitindi rin ang emosyon ng iba. di sa lahat ng okasyon ay pagbibigyan ka. kapag mabigat na ang naipong tubig sa mga dam o dike, umaapaw ito at nagbubunsod ng dagliang baha. baka ikaw mismo ay malunod sa bahang ikaw lamang ang maygawa. hindi pa naman ganoon katibay ang pundasyon ng iyong mga saplad. hindi ba minsan na ring bumigay ang iyong mga pilapil? at kanino ka sumilong nang minsan kang ondoyin? hindi ba sa mga tao ring pilit mong nilulunod ng iyong pusali? alalahanin mo ang lahat ng ito.

at uulitin ko ulit… hindi ka hulog ng langit.

No comments:

Post a Comment