Sunday, September 23, 2012

bigat ng batok

lumipas na nga ang unang linggo ng #damistress. isa pang linggo ang kakaharapin sa lungsod na 32 ang palitan ng pera. at sabi nga nila, lilipas din ito, ang lahat ng pagsisikip ng dibdib, pagkislot ng ugat sa ulo at pagsakit nito at matinding pagbigat ng batok... tulad ng lahat ng bagay, lilipas din.

noong nakaraang linggo ng hapon ako dumating sa kabisera ni bambang. hiniling ko lang na sana'y mabawasan ang matinding stress kahit paano. di ito nangyari. siguro kasi kailangan talagang maganap para matapos na. salamat sa veco notebook, nasusulat ko ang mga bagay-bagay na di ko masabi dahil wala naman akong makausap sa tagalog. 

unang miting pa lang, may kakaibang katahimikan na. lalo sa taksi. likas kasi talaga ang magkongklud. inisip ko na nga na kapag nagtuluy-tuloy ang pambubwisit ay bibira na ako na "huling buwan ko na nga pala ito". para ba mag-iba ang timpla ng mga bagay-bagay. pero sabi ko pa rin sa sarili ko, "let it pass". kaunting tango, uhmm at oo para lang maubos ang oras. malalim na hugot ng buntong-hininga ang kailangan upang gumaan ang pakiramdam. maski anong sarap nga ng pagkain ay para bang panglaman-tiyan lang ang mga ito. di ko manamnam ang linamnam dahil sa ligalig na dala ng mandragora.

nagsimula na nga ang seryosohang usapan sa mga bagay-bagay. may sandaling parang naiisip ko na baka nga panandaliang lagay lang ito ng mga bagay-bagay at magbabago rin tulad ng maraming sandali sa karir ko sa aydisi. pero wala talagang anumang dyus ang mandragora na may kinalaman sa mga terminong magbunsod o magbigay-sigla. wala talaga. kaya sa loob ng dalawang oras na 'yun, mas lalong naging malinaw sa akin na kailangan na talaga ng pag-alpas. mas lalong naging maliwanag sa akin na di na maaari pang ipagpaliban ito... kung hindi, baka bumigay na ang aking puso. wala na rin naman kasing hinihintay (bukod sa potensyal na isa pang biyahe sa kabisera ni rama!). mukhang wala naman ako sa listahan ng maaaring umangat sa lalong madaling panahon at tila tiyak na rin na kakarampot lang ang umento. umento na sa hulyo 2013 pa siguro ibibigay. kaya nga maliwanag na di na talaga singhalaga na manatili pa.

gusto ko na talagang hilahin ang setyembre, matapos ito at mag-oktubre na. grabe na ang stress na dinaranas ko sa tatlong linggong ito. siguro kasi di ko na talaga gusto ang ginagawa ko. sa tatlong linggong ito, parang naduduwal na ako kapag pinipilit kong tumapos ng kahit na ano. may kung anong adobeng nakadagan sa aking dibdib kapag oras na ng pasok. pagkatapos naman ng isang araw ng paglagi sa 1803, parang binagsakan din ng hallow blocks ang batok ko at umaatake ang sakit ng ulo. di ito nagbago sa unang linggo ng biyaheng ito. mukhang lalo pa ngang nadagdagan. kahit na nga may mga nakatutuwang tsismisan kasama ng ibang mga katrabaho, di nito naibsan ang dinaranas kong agoniya at ligalig. sobrang sakit pa rin ng ulo ko kapag patulog na ako.

haayyy... iniisip ko tuloy minsan, bakit nga ba kasi di pa ako umalpas dati? lalo na noong mga panahong sobrang bango ng pangalan ko. siguro ganoon nga kasi ang desisyon mo. di na dapat pang magpahayag ng panimdim. pero ngayon, naroon na ako sa puntong di na mahalaga kung anuman ang sasabihin ng iba. di na maaaring maghintay ang pagbabago. alpas na bago pa man matapos ang 2012. di na uubra ang tradisyunal na "just grin and bear it".

isang linggo pa. isang linggo pa nga. isang araw kada araw... pasasaan ba't matatapos din ang linggong ito.

No comments:

Post a Comment