Sunday, November 4, 2012

countdown



di ko nakasanayang gumawa ng mga kawntdawn. maski nga sa pasko o bagong taon, hinahayaan mo lang lumipas ang mga araw. o kaya kapag may inaabangan akong biyahe, di ko binibilang ang paglipas ng bawat araw. darating din naman kasi ang araw na ito. di na kailangan pang sadyang gumawa ng kawntdawn.

pero nitong mga nakaraang linggo, magmula ng setyembre, ang kawntdawn sa aking isip at kalendaryo ang naging mapagtitiwalaang kaibigan ko. ang mga panahong ito na kasi yata ang pinakanakalalasong mga araw sa loob ng marami kong taon sa aydisi. sabi ko nga sa ibang mga paskil dito, para bang may nakadagang adobe sa dibdib ko nitong mga nakaraang araw. bukod pa sa bigat ng batok at walang habas na hataw ng sakit ng ulo.

sa pamamagitan ng kawntdawn, humuhupa maski paano ang istres ng dulot ng lamanlupa. kapag sinasabi mo na “dalawang araw na lang” o kaya ay “miyerkules na”, may kung anong ginhawang dulot sa pakiramdam. nakahihinga ng maluwag kapag napapaalala sa iyo na malapit na ngang magwakas ang nakapapagod na araw. naiibsan din ang bigat sa dibdib sa tuwing maiisip na malapit ka na sa dulo ng nakapagpapatandang gawain o kabuuang trabaho. pinatutunayan ng kawntdawn na matatapos din ang pagdurusa. sabi nga nila, wala namang permanente sa mundo, maging ang istres o paghihirap. salamat sa kawntdawn. kundi ko siguro iniisip na lilipas din ang paghihirap ay matagal na akong inatake sa puso.

kaya naman ngayon, ibang uri ng countdown naman ang ihip ng hangin. inihanda ko na ang aking sarili na ang linggong ito ay puno na naman ng mga kabulastugan at antiko ng kumplikador. siyempre, ibayo pero di naman kailangang istres na naman ito. isang linggo lamang at tatlong araw sa susunod na linggo bago kami tumulak papunta sa lugar ng mga koreano. pagkatapos nito, dedlayn na. dedlayn na talaga.

nobyembre, maging maginhawa ka sana maski paano. pakiusap lamang.

No comments:

Post a Comment