Monday, November 26, 2012

kordyal



magmula nang banggitin ko ang mga linyang may kinalaman sa pag-alpas, totalmenteng nag-iba ang ihip ng hangin. wala na ang di magkamayaw na pambubuska sa parehong-oras. tumigil na rin ang mga sarkastikong hirit. nagkaroon na rin ng mga karampatang pagbati sa mga elektronikong sulat. higit sa lahat, huminto na nga ang walang wawang panglulundo. tila may salamangka ngang hatid ang pagpapahiwatig ng pag-alpas!

depensibo pa kasi noong unang bahagi ng pagtasa. kesyo binak-apan daw ang mga pigurang ‘yun ng malaking tao at maliwanag daw ang ekspektasyon maski berbal lang ang mga ito. kahit na nga mabababa ang karamihan ng mga marka, wala akong ni isa mang hinamon sa mga ito. para sa akin, kung ‘yan ang pagtingin mo, eh di ‘yan na ‘yan. ngunit dapat ding kinilala ng dokumentong iyon na walang anumang pagtasa at pagse-set ng mga target na naganap sa nakaraang taon. wala kasi ni isa man lang na banggit dito sa kabuuan ng excel na ‘yun. nagpatuloy sa mga blah blah hanggang ibigay sa akin ang pagkakataong magsalita. at sinimulan ko ito sa pagsasabing nais ko na ngang umalpas. ang pagkapanghal ng aking isipan at bigat ng batok ang nangunguna sa lahat ng salik sa desisyong ito. di naman kataasan ang sahod upang masabi na may pantubos sa lahat ng di kailangang istres. at ito na nga ang naging hudyat ng dagling pagpapalit ng panahon. bigla-biglang naging kordyal at di mapanghamon. nagpatuloy ang di natural na pagiging grasyoso hanggang sa mga sandaling ito.
   
ngunit sa kabila ng mga pagbabagong ito, alam kong panandalian lamang ang mga ito. sabi nga ni silvan shalom, mahalaga ang tigil-putukan ngunit ito’y tumatagal lamang sa napakaikling panahon. tiyak na babalik ang mga sandaling wala na namang habas ang panglalason ng mandragora. taal na kasi ang ganitong gawi. di na mababago pa maski ng anumang pagsasanay o pangangailangan.

sa ngayon, naghihintay lamang ako ng anumang pahayad sa isang bagong puti sa himpapawid. may bahagi pa rin sa akin na umookey sa ideyang umiba pero dito pa rin. pero kung di ayon sa aking naisin ang ihahain, ihahain ko na rin ang pinal na paunawa.

No comments:

Post a Comment