Sunday, December 30, 2012

positivity



patapos na ang 2012, may babaunin ka ba mula rito sa pagharap sa bagong taon?
  
ang sagot dapat ay malaking oo. sabi nga ng mga pang-miss universe na mga sagot, may natututuhan sa lahat ng karanasan, maging pangit man ito o sadyang kalugud-lugod. ubod ng bigat ang istres ng huling kalahati ng 2012 pero dahil dito, mas magiging litaw ang paninindigang tumanggi at isipin ang higit na malaking bentahe para sa sarili. mas wais din dapat sa paggasta ng kuwarta. di maaari ‘yung walang habas na gastos. kung hindi, walang patutunguhan ang mga kinitang salapi.

biyahe at bakasyon. mahalaga ito at dapat na magpatuloy ito sa 2013. di kailangan ‘yung mahal at magastos. ang importante ay may nakita kang bagong lugar, nakatikim ng mga kakaibang putahe, may bagong karanasan at may natuklasan kang bago sa iyong sarili. hiling ko lang, mas marami sana ang biyaheng pamilya ang kasama ngayong 2013. mas masaya ‘yun, lalo na nga’t naglalakihan na ang mga bata sa pamilya.

sa bawat pagpapalit ng taon, mantra na nga sigurong matatawag ang natutuhan ko kay mama. pag-ibig at galak sa buhay at pamumuhay… may unos man o wala, "positivity" ang dapat mamayani. di dapat mangiming magpahayag ng damdamin ngunit dapat ding isaalang-alang ang kalagayan ng iba at manatiling may paggalang sa kapwa. kapag sagana, magsaya at magpasalamat sa biyaya. kapag medyo salat, matutong tumanggap, ‘wag mainggit sa kapwa at lalo pang magsumikap. di dapat mamuhay sa nakaraan, bagkus ay ikalugod kung ano ang mayroon sa ngayon. yakapin ang bawat karanasan at iwaksi ang mga di namang kailangang bagahe. tumawa, magnilay-nilay at magpasalamat.

ikaw, anong babaunin mo mula 2012?

No comments:

Post a Comment