Monday, December 17, 2012

sandy hook


sabi ni ma’am aurelia logan, bukod sa maraming salik tungkol sa balita, dapat ito raw ay may tuwirang lapit sa mga mambabasa upang maging epektibo at magkabisa. ngunit ang nakapanlulumong balita ng pagbaril sa 20 bata at 6 pang iba sa newtown, connecticut ay may kung anong kalumbayang epekto sa akin. bukod sa malayo ito sa pilipinas, ni walang tuwirang koneksyon ang connecticut sa mga nagaganap dito. di ko rin kilala ang mga napaslang at wala talagang lapit ito sa katotohanan sa aking kapaligiran. ngunit dahil na rin siguro sa kapangyarihan ng telebisyon at internet at sa katotohanang ang mga halos lahat ng biktima ay pawang mga walang kalaban-labang mga paslit, may masidhing lahid ang balitang ito.

galing ako sa masayang kulturisasyon kasama ng mga bagets sa burgos circle. bago nito, may masayang hapunan din sa café juanita para kina mabel at pam. masaya ang kabuuan ng biyernes para sa akin. pag-uwi ko at pagbukas ng telebisyon, bumungad sa akin ang balitang may nagaganap na namang pamamaril sa isang paaralang elementary sa US. dahil na rin siguro sa kadalasan ng ganitong mga balita, di ko agad ito pinansin. hanggang makita ko ang mga breaking news na hindi bababa sa 18 sa mga di pa tiyak na bilang ng mga biktima ay pawang mga kabataang edad 8 pababa. nagulantang ako at nawala ang antok. tumutok na ako sa CNN at magkaminsang lumipat-lipat sa BBC para sa lahat ng mga detalye. malabo pa ang mga detalye ng parehong organisasyon ngunit pagkalipas lamang ng ilang oras, kumpirmado na ang mga ito. may 28 nasawi, kasama na ang maysala, sa walang habas pamamaril na ito. 20 rito ay mga batang 6-7 taong gulang lamang, kasama na ang ilang mga guro sa sandy hook elementary school at ang ina ni adam lanza, ang maysala.

magkahalong hilakbot, lungkot at panlulumo ang nangibabaw. walang anumang saysay ang pagpatay sa mga indibidwal na ito, lalo na ng mga musmos na nasa paaralan upang mag-aral at matuto. malaon nang sinasabing ang paaralan ay pangalawang tahanan ngunit di ko mapaniwalaang maski sa lugar na ganito ay di na ligtas para sa mga kabataan ngayon. naiimadyin ko na lamang ang pagkadurog ng mga puso ng mga magulang at kapamilya ng mga biktimang ito, lalo na ng mga magulang ng 20 bata.

siyempre sa mga trahedyang ito, uusbong din ang mga usaping gaya ng pagkontrol sa pag-aari ng baril, kaligtasan, epekto ng midya sa mga kabataan at estado ng kalusugan ng pag-iisip ng sambayanan. para sa akin, patunay ito ng kadakilaan ng mga guro. di lamang paghuhulma ng mga isipan ng mga bata ang ginawa ng mga guro sa sandy hook, kundi maging ibuwis ang sariling buhay upang di iligtas ang mga estudyante. di biro ang sakripisyo ng mga gurong ito, maging ng mga gurong nakaligtas na nagsalba sa kani-kanilang mga estudyante sa iba’t ibang paraan.

nawa’y di na ito muling maganap sa anumang panig ng mundo.

No comments:

Post a Comment