Sunday, December 16, 2012

simbang gabi


simula na kagabi ng simbang gabi. sa national shrine of the sacred heart of jesus ako nagsimba. di pa gaanong marami ang tao. siguro kasi sabado nga. madalas kaysa hindi, puno ang simbahang ito kapag linggo, di gaano ‘pag sabado.
 
pasado alas-8 na nang magsimula ang misa. simbang gabi ang panimulang kanta. inabangan ko ang homiliya ng pari, lalo na nga ito ay manggagaling sa kura paroko mismo. sa halos apat na taon ko sa pagsisimba rito, malinaw at direkta sa punto ang mga homiliya nito. walang pabulaklak at palagiang may malinaw na awtlayn. ngunit kakaiba ito kagabi. may mainit-init pa raw na mga pahatid na mensahe ang ating bagong kardinal na si luis antonio tagle at ang tagapangulo ng mga samahan ng mga obispo sa pilipinas. sulat ito tungkol sa walang kamatayang usapin ng RH bill. imbis na tumalakay ng mga bagay na makatutulong sa pang-araw-araw na buhay ng maninimba, binasa lamang ni father ang dalawang sulat. ‘yun na ‘yun para sa homiliya.

muli, ang paglaban ng simbahang katoliko ay balido dahil ito ay kanilang sariling paninindigan. nirerespeto ko ito. ngunit hindi ito dapat maging sentro ng misa lalung-lalo na sa simula ng taunang simbang gabi. may ibang benyu para sa kanilang mga argumento tulad ng pangmadlang midya. ang porum para rito ay hindi sa gitna ng banal na misa. sa ganang akin, sapat na ang pagbibigay-gabay ng mga pari sa pamumuhay na matuwid. ang tuwirang pang-iimpluwensya sa pamamagitan ng pangangasangkapan ng homiliyang ukol lamang sa pagtutol sa RH bill ay kalabisang di na ayon sa panahong kasalukuyan.

hayaan na lang umiral ang proseso ng demokrasya.

No comments:

Post a Comment