Monday, May 13, 2013

Luneta

huling punta ko sa luneta ay noong nasa UP pa ako siguro. di ko na maalala kung para saan ang pamamasyal ko sa liwasang ito pero matagal na nga ito. isang linggo sa buwan ng abril ng taong ito, nagkaroon ako ng pagkakataong pumuntang muli sa luneta. kung hindi pa yata nagpa-jollibee sina kuya dondi at ate chel sa luneta ay di pa ako makapupuntang muli rito. nag-iba na kasi ang imahe ng luneta sa pagdaan ng panahon. nitong nagdaang dalawang dekada yata, 'pag sinabi mong luneta, lugar ito ng mga pulubi, taong-grasa, mga iskwater o mga taong dumi ng lipunan tulad ng mga isnatser, mandurukot, manggagantso at mga babae sa prostitusyon. tila pinabayaan na ito ng mga kinauukulan at hinayaang madungisan ang imahe ng makasaysayang pook na ito.

kaya ganoon na lamang siguro ang aking galak nang makita kong buhay na muli ang luneta. pasyalan na itong muli ng mga pamilyang nagpi-piknik. sangkatutak ang mga grupo ng kabataan sa liwasang ito, nagsisipaglakad at nag-eenjoy sa simoy ng hangin mula sa manila bay. may perya rin sa likod ng national museum. at higit sa lahat ay ang concert at the park tuwing wikend. sa linggong ito, ang muntinlupa dance society ang nagpamalas ng husay sa katutubong sayaw. mula sa sayaw ng mga igorot, muslim at mga tagalog, sunud-sunod ang palabas. kumpleto ang panggabing ilaw at malinaw ang musika kahit na nga nasa isang bukas na liwasan ang palabas. ang buong akala ko ay di papansinin ang palabas kasi nga folk dance ang palabas. pero ang nakatutuwa rito, nagsiupo ang mga manonood at tinapos ang buong pagtatanghal. di bababa sa 8 sayaw ang ipinalabas ng grupo at kumpleto ang kanilang mga props sa bawat sayaw.

ang libreng pagtatanghal ng mga sayaw ng ating lahi sa mga ganitong pagkakataon ay unang hakbang upang tumimo sa mga kabataan ang kultural na yaman at dangal ng pilipinas. sana'y manatili't dumami pa ang mga ganitong pagtatanghal sa buong bansa. bukod dito, sana'y maisaayos din ang mga liwasan sa kamaynilaan upang magkaroon ng mga lokasyon para sa mga kultural na tanghalan.





No comments:

Post a Comment