Wednesday, July 31, 2013

piyon

dalawang taon na sa kapaan ang batabyana. bahagyang malubak ang dinaanang landas nito sa unang taon. karaming isyu. liban daw ng liban. di ok ang kalidad ng awtput at laging huli kung magsumite ng mga laman ng pakuryenteng kwaderno. di raw mapagkakatiwalaan, kesyo mahilig magdahilan at gumawa ng mga kuwento. wala rin daw gulugod kung kaya’t di maaaring pakawalan upang makipagtalastasan sa mga mamimili. ilan lamang ang mga ito sa mga lasong ibinuga ng demonang mandragora. kawawang batabyana. tsk tsk!

sa totoo lang, di naman ganoon kapalpak ang kapangyarihan ng batabyana. tumpak ang marami niyang paynding at metikuloso rin ang paglilinis niya sa kanyang bakuran. sa karamihan ng mga piyon, isa nga siya sa mga may magandang pag-uugali at dedikasyon sa pangangapa. pinipilit niyang maging kachokaran ang lahat ng gumagalaw sa pamilihan kahit pa ilang beses na siyang sininghalan ng ilan. siyempre hindi naman talaga maiiwasan ang ilang minoreng pagkakamali. bahagi ito ng pagiging piyon at ang lahat naman ay mapagsasanayan sa pakikipaglaban. ang mahalaga ay mayroon ang piyon ng mainam na atityud, handang tumanggap ng bagong puwesto o magdagdag ng babantayang pamilihan at dumadausdos sa dumi ng sakahan. aanhin mo naman ang piyon na hanggang pilapil lang kayang daanan, di ba?

pero siyempre, iba ang tingin ng demona. may kung anong ngitngit yata ito sa mga kauri ng batabyana. tulad ng demonikong mata sa loob ng mordor, tila may mga matang nakapagmamasid ang demona sa lahat ng gawi ng batabyana. walang ginawang tama ang pobreng batabyana. istupida at puro mali raw ang pagtataya nito at di niya naiintindihan ang lahat ng bagay. siyempre sinegundahan ito ng magagaling na grima ni mandragora. hindi dahil sa di rin sila bilib sa batabyana kundi upang umikli ang pakikipagtalo sa buhay na dementora. umabot na nga ito sa pag-ukilkil kung sino ang responsable sa pag-arkila sa batabyana.

tulad ng inaasahan, umaapaw ang siphayong galing sa maitim na bulkan ng demona. at saan ito nauwi? pagkatakot ng batabyana. ihagis na raw siya sa kahit anong kaharian, ‘wag lang sa lupang tinubuan ng mandragora. di raw niya ninais na makaharap ang demona sa sarili nitong teritoryo dahil tiyak na malulunod siya sa kumunoy ng lasong inihanda ng mandragora. maski ang presensya lamang ng demona ay parang sapat na upang maging bato ang batabyana! napakalaking halimaw daw nito, sabi ni batab. may mga pangarap pa raw siya sa buhay, nais lamang niyang makisaka at di nito bahagi ang pagkawala ng sariling buhay at kaluluwa.


ilan lamang ang batab sa mahabang listahan ng mga biktima ng buktota. sa susunod, ibang mga piyon naman at ang kanilang natatanging tipan sa mandragora.

No comments:

Post a Comment