Monday, August 19, 2013

maring

umuulan buong araw kahapon. pagkagising ko pa nga lang, medyo matindi na ang ulan. umuulan pa rin nang subukan kong pumunta sa waltermart para tumingin ng induction heat cooker at bumili na rin ng makakain. naisip ko ngang medyo palpak ang pagpunta ko roon kasi di ako nakapagdala ng ecobag (bawal na rin ang plastic sa makati!) at baha na sa kahabaan ng pasong tamo paglagpas lang ng dela rosa. bumalik agad ako sa sa san antonio village. kumain at nanood ng tv. 

bandang alas-10 ng gabi, apaw na ang tubig-baha sa banuyo. ilalabas ko sana ang basura ko pero lagpas bukong-bukong na ang baha. walang patid ang ulan magmula nang makauwi ako mula waltermart. paglipat ko sa abs-cbn, itinaas na ng pagasa sa red level alert warning ang ulan. dahil dito, lubog na sa baha ang malaking bahagi ng kamaynilaan. hindi raw kumikilos palayo ng bansa ang bagyong si maring at pinalalakas pa nito ang habagat na nagdadala ng mabigat na buhos ng ulan sa kabuuan ng luzon.

alam kong mahihirapan akong makapasok ngayon dahil sa pagbaha. dama pa rin ang hagupit ni maring at maging hanggang sa mga sandaling ito, patuloy pa rin ang buhos ng ulan.suspindido ang klase sa lahat ng antas ng paaralan at maging mga trabaho sa maraming tanggapan ng gobyerno. siyempre, ayokong maglunoy sa tubig-baha kaya rito ako sa bahay maglalagi buong araw. mahirap ding iwanan ang bahay ko dahil nasa unang palapag ako. 'wag sanang magtuloy-tuloy ang malakas na buhos ng ulan at humupa na ang baha.

sa takbo ng mga bagay-bagay, minimum na isang malakas na buhos ng ulan ang paparalisa sa kamaynilaan. noong 2012, habagat sa agosto (6-7) ang kumana. ngayon naman si maring. kailangan talagang maging handa sa anumang banta ng kalikasan. buti na lang at may sapat na bigas at tubig, makakaraos ako sa mga susunod na araw. ingat.

No comments:

Post a Comment