Monday, February 17, 2014

les miserables

binaha ang makati ng indonesia. di tuloy ang mga miting at paralisado ang buong lungsod. walang gagawin kaya nag-les mis na ako. nagdalawang-isip pa pero akin na ang oras na ‘yun dahil lagpas alas-6 na kaya tumuloy ako. natuwa ako sa pelikula. pinanood ko ulit ito nitong gabi ng sabado. at di ako nagsisi. ang galing.

siyempre alam na ng lahat na ang pag-umit ng isang piraso ng tinapay ang dahilan ng pagkakakulong ni jean valjean sa loob ng 20 taon. nakakuha siya ng pagkakataong magbago at magbigay-trabaho sa daan-daang mga trabahador pagkatapos mabigyan ng parole. lahat ito sa pagkakanlong sa likod ng bagong katauhan bilang monsieur lamer. nangako siyang aampunin ang naulilang anak ni fantine na si cosette. muling nagtagpo ang landas nina valjean at javert sa pagbabalik ni valjean sa paris. sabi ng mga kritiko, bukod sa ilang pinaikling mga kanta at inibang mga linya, nanatiling malapit ang les mis sa orihinal nitong materyal.

halos tatlong oras ang les miserables pero ni hindi ko naramdaman ang pagod o inip. simula pa lang nito, hawak ka na nito sa leeg. o ang iyong puso. mahusay ang les mis ni tom hooper sa pagbibigay ng lakbay-emosyon sa mga manonood. mula sa tila walang tigil na pakikibaka upang mabuhay hanggang sa tiim-bagang na “pagpapatupad lamang ng batas”. mayroon ding maalab na pag-ibig ng isang ama at maalab na damdaming rebolusyunaryo, habang maalab din ang simbuyo ng damdaming nagmamahal at sawi sa pagmamahal. may tunggalian din ng kakatwang panggagantso at integridad. dahil sa mga ito, may pagbaha nga rin yata maging sa sinehan. pagbaha ito ng luha kasama na ang sa akin.

musikal ang les mis at live daw ang pag-awit ng mga gumanap dito. napakahusay ng musika at iskor nito. sa look down pa lang, kung saan daan-daang preso ang humihila sa barko kalaban ang masungit na panaho’t dagat, bihag na ang manonood. mahusay din itong tumransisyon sa sukal ng paris sa end of the day at the docks. nakuha ng pelikula ang lawak na kailangan para sa mga tour de force na mga eksenang tulad ng sa paris/look down. agaw-eksena ang makulit na mag-asawang thénardier lalo na sa the thénardier waltz of treachery. sumulat pa ng mga bagong kanta para sa les mis na ito at haylayt nito ang suddenly ni hugh jackman. tuluyan nang sumulak ang aking mga luha sa pagkamatay ni gavroche sa the second attack. do you hear the people sing naman ang eeko at magiging lss ng bawat manonood.

magaling din ang sinematograpiya at staging ng pagpapakamatay ni javert. puno ang pelikula ng akmang bakgrawnd at talagang binusisi ang mga detalye ng disenyong produksyon nito. paborito ko ang rangya ng paris, ang elepanteng bahay ni gavroche at ang mabilis na pag-cut ng camera sa kanya ng mabaril si eponine. magkapatid nga kasi ang dalawa bagamat di ito madalas mabanggit sa mga adaptasyon. 

may mga na-turn off daw sa close-ups na kinahiligan ni tom hooper para sa kanyang les mis. nalimitahan daw nito ang kapangyarihan ng mga kanta na ilarawan halimbawa ang bayolenteng bakgrawnd habang inaawit ang a little fall of rain. pero epektibo ang mga close ups para sa akin. mas dama ang emosyon at naging higit na malapit ang mga karakter lalo na sa mga haylayt.

bagamat di naman belter, talagang mahusay si hugh jackman. dama ang sidhi ng kanyang damdamin sa bawat eksena. kitang-kita ang kanyang dedikasyon sa valjean’s soliloquy at suddenly. tagumpay ang pamumuhunang “pagwasak” ni anne hathaway sa kanyang sarili upang maisalarawan ang pait ng buhay ni fantine lalo na sa eksena ng i dreamed a dream. medyo may kulang sa javert ni russel crowe… kulang sa gravita lalo na sa one day more, di tulad ng obispo ng digne na si colm wilkinson. ekselente si eddie redmayne bilang marius lalo na sa empty chairs at empty tables. magaling din si samantha barks bilang eponine na sa bawat labas niya sa eksena, napangingiti ako, lalo na ng kantahin niya ang on my own.

pasado alas-12 pa ng gabi ang lipad pabalik ng maynila. kaysa maupo sa lobby ng ascott, buti na lang di ako bumalikwas at pinanood ko ang les mis. solb. panonoorin ko ito ulit ‘pag inulit ng hbo.

No comments:

Post a Comment