abril,
katatapos lang ng mahal na araw nang magdilim ang kalangitan ng kamaynilaan. walang
laban ang tag-init sa maynila. ang rason? ang pagsahimpapawid ng nag-iisang
dementora. buti na nga lang at di gaanong nagtagal ito, halos buong dalawang
araw lang. pero maging sa ikli ng paglagi nito sa paligid ay may hilakbot itong
dala sa karamihan ng tao.
naturalesa
na nga niyang maituturing na ilagay ang mga tao sa di komportableng bahagi. di
na apektado ang tagapagsalaysay dahil malaon na itong nakawala sa maitim na
galamay ng mandragora. ngunit hindi ang mink mula sa tundun at ang kaye sa
krung. umaga pa nga lang ng martes nang lumapit ang dementora para pag-usapan
ang mga alipores na aksidente lang na nadagdag sa kanyang lipi dahil na rin sa
pag-alma ng isang mandaragat. kolateral na danyos ngang maituturing ang mga ito
mula nang magdesisyong kalabanin ng mandaragat ang maugat na pridyider.
unahin
na natin ang kaye sa krung. maayos naman ito. maganda ang pagtingin sa buhay at
may sapat na kahustuhan ng isip upang kabakahin ang anumang lasong dulot ng
mandragora. 'yun nga lang ay may mga kapalpakan din magkaminsan dahil siguro sa
sangkatutak na mga pamilang. pero hindi ito tunggak tulad ng inilalarawan ng
demona. kailangan ng dirihi, oo. pero di ito singpalpak ng nais ipahiwatig ng
pridyider.
'yung
mink naman ng tundun ay may mahusay na pag-uugali. sadyang may magandang bikas
at saloobing maigi para sa sukal ng pagmemerkadong mayroon ngayon. gaya ng kaye
sa krung, kailangan din ng patnubay nito. sino ba namang di nangailangan ng
patnubay lalo na't inihagis ka sa bagong batawan? maski naman ang mismong
demona noong maiikli pa ang kanyang galamay at nangailangan ng dirihi ng
malaking siopao para matutuhan ang mga bagay-bagay. hindi na nga bagong
maituturing ang mink pero may maganda naman itong idinulot at umaayon naman ang
bumbay na may hawak ng tinta. anu't anuman, mahalaga ang may magandang asal
para sa mga alipores. materyal ito para sa higit na pagpapanday. aanhin mo
naman ang mahuhusay kung wala itong idudulot kundi sakit ng ulo?
wala
kasing anumang bahid ng kabutihan ang demona. lahat para rito ay may kulang. lahat
ay may kapalpakan. lahat ay may taglay na kamalian… maliban sa kanya. ang lahat
ay tatakalin ayon sa kanyang mapait na panlasa. ang sinumang di tumalima o
makapantay sa kanyang takalan, wawasaking walang habag. lalatayan ang mga ito
ng matatalim na pangil. uulaulin ang mga ito ng lasong taglay ng mandragora.
sakto ang mga ito sa nangyayari ngayon sa kaye ng krung at mink ng tundun. kesyo
di raw matitiis ng demona ang dalawang kahabag-habag na mga ito at malapit na
raw niyang ilibing ang mga ito ng buhay.
sa
ganitong sitwasyon, ang tanging pag-asa ng dalawa ay malambat na sila ng
mandaragat sa lalong madaling panahon. bagamat may pram da blok na dumating na
para manalag sa mga birada ng demona, di ito garantiya na magtatagumpay ang
kaye ng krung at mink ng tundun sa kanilang takalan. malayu-layo pa ang kanilang
lalakbayin bago maging manhid sa lason ng mandragora. dalangin kong matagpuan
nilang mabilis ang antidotong kailangan.
bagong kabanata ito sa mahabang lustayan ng enerhiya't buhay sa laro ng trono. sa susunod ulit.
No comments:
Post a Comment