Saturday, June 21, 2014

pasalubong

maraming beses na rin ako nakabiyahe dala ng trabaho at hilig sa paglalakbay. at kada alis o lipad, di puwedeng walang pasalubong sa mga kapamilya, kaibigan at kasama sa trabaho. pasalubong nga kasi ay "pang-salubong" sa iyong pagbabalik pagkatapos mawala sumandali. kaya kahit tatlong araw lang nawala, titiyakin mo pa ring may madadalang kahit ano para sa mga taong malalapit sa iyo. ang kahit na anong ito ay maaaring medyo mahal 'pag may perang panggastos o kaya ay maliliit na mga bagay tulad ng ref magnet o kaya ay pagkaing tulad ng tsokolate.

sa bawat alis o lipad, sisiguruhin mong maglaan ng panahong bumili ng kahit ano para may maipasalubong ka sa mga uuwian mo. kahit na nga di mo makita ang isang templo o shrine, basta makapunta ka sa bilihan ng pasalubong. siyempre di lang naman oras ang ilalaan mo kundi ang napakahirap kitaing kuwartang pambili ng mga ito. nandiyan ang 'wag mo na lang kainin 'yung gusto mong kainin dahil may bibilhin ka pang pasalubong. o di kaya ay tiisin mong lakarin ang pagkalayu-layong destinasyon para makatipid sa pamasahe, sa gayon ay may pambili pa ng pasalubong. di nga kasi pinupulot ang pera kaya kailangang may maiging badyet. nakakakahiya nga kasing uuwi ka at galing ka sa biyahe tapos wala ka man lang kahit anong dala bilang pasalubong.

nito ngang huli kong biyahe sa japan, kahit na nga mahal ang halos lahat na bagay ay pinilit ko pa ring bumili ng mga kitkat (iba't ibang flavor) bilang pasalubong. para na ito sa lahat kaya dinamihan ko na. pero siyempre naman, sa dami ng taong kailangang pasalubungan, di magiging sapat kung bibigyan ng mas marami sa dalawa ang lahat. ibabadyet mo rin ito para magkasya at mabigyan ang lahat. ang ideya naman ay maabutan mo lahat bilang patunay na naalala mo sila at pinaglaanan mo ng panahong pasalubungan sila.

sapat na 'yun sa aking pananaw. una, di naman nag-abot ng panggastos ang mga ito. pangalawa, sariling pera ang ginugol ko sa ehersisyong ito. walang ambon sa mga janet napoles ng lipunan. at panghuli, di na dapat pang magkomento ng kung anu-ano ang mga nabigyan na. walang tungkulin at di responsibilidad ng bumiyaheng magpamudmod ng pasalubong. pero dahil bahagi na nga ito ng kultura, sige lang. ngunit dapat ding tumayo sa tamang kalagyan ang mga pinasalubungan. may kaakibat na social graces 'pag naabutan ka ng pasalubong. kawalang paggalang ang magkumento ng "ito lang?", "ay may ganito kami sa bahay eh", "ngumisi at magsabing kuripot ito", o di kaya ay gumawa ng kakatwang facial expressions upang ipahayag ang disgusto sa natanggap.

dapat nilang isiping pahalagahan maging ang dalawang pirasong tsokolate dahil binili ito ng bumiyahe. maaari namang ginastos na lang ito ng bumiyahe sa ibang bagay tulad ng mamahaling sushi o ramen. pero hindi. binili pa rin ito, binitbit sa mahabang lakaran sa japan, buong pagmamahal na isinilid sa masikip na bagahe at buong galak na iniabot sa pinasalabungan. hindi pa ba sapat ang mga ito upang makakuha ng kahit impit na ngiti man lang mula sa pinasalubungan?

ang dapat lang gawin ay magpasalamat at itikom ang matatabil na dila kung di nalugod sa pasalubong na iniabot ng bumiyahe. magpasalamat dahil naalala ka. magpasalamat dahil sa maski abut-abot ang gastos at pagod, naisip ka pa ring abutan ng pasalubong kahit na nga dalawang piraso lamang ito ng tsokolate. itikom ang matatabil na bunganga bilang paggalang sa bumiyahe at nagpasalubong. buti nga't binigyan ka pa eh!

sa maraming pinoy ngayon, tila di na sapat ang baon mong kuwento mula sa lupaing pinanggalingan bilang pasalubong. dahil nga ba talamak ang kahirapan? o di kaya senyales ito ng nauubos na tamang asal na panglipunan? o baka naman may mga maledukada/o lang talaga? kung anu't anuman, nawa'y masumpungan muli nila ang basikong turo sa asignaturang MGPU – mga gawain sa pagpapabuti ng ugali.

No comments: