Friday, July 4, 2014

transformers

di yata pinag-isipan masyado ang bagong transformers. sobrang nakakabagot ito. ito na yata ang pelikulang ninais ko agad na matapos. kada 10 minuto, tinitingnan ko ang relo ko kung anong oras na dahil sa sobrang inip. ang tanong ko sa sarili ko, kailan kaya matatapos ito?

tila di kasi natatapos ang di kabit-kabit na mga eksena. sabog dito, siklab doon. laban ng mga bakal dito, hagisan ng metal ang susunod. kaunting drama at kaunting patawa, tapos susundan ng close up ng maikling shorts ng babae. uulit lang ang ganitong proseso hanggang maramdaman mong nakatatlong oras ka na pero wala itong kinahinatnan. si magneto na lang dapat ang ginawa nilang kontrabida, baka may pinatunguhan pa ang istorya.

mas magandang panoorin ito nang libre sa mga bus habang natatrapik. sayang lang kasi ang pera kapag gumastos ka para rito 'pag pinanood sa sine. kung fan ka ng walang wawang pagsabog at puro aksyong dala ng special effects, baka ma-enjoy ang pelikulang ito. pero kung naghahanap ka ng materyal na may lalim, pinagbuhusan ng panahong tahi-tahiin ang mga eksena at istorya, mas maiging palagpasin na ang pelikulang ito.

No comments:

Post a Comment