Monday, September 29, 2014

santong dasalan

wala raw hindi nadadaan sa santong paspasan. madalian kumbaga ang labanan para makuha ang gusto. pipilitin sa kung anumang paraan para umayon ang takbo ng mga bagay-bagay ayon sa naisin mo.
 
pero siyempre di na kailangan pang dumating sa santong paspasan kung nanaig naman ang santong dasalan. 'yung pakiusapan. 'yung may kaunting karinyo. may tamang hagod kumbaga. walang pilitan at suhulan. wala ring pagbabanta o anumang takutan. kusang bumigay at naging malagihay ang dating.

hay naku! ang buhay nga naman. madalas kasi paangil ang istilo ng iba. pero di naman nga kailangang laging mas mataas. di kailangang laging nakaismid o laging may gustong patunayan. may mga pagkakataong mas mainam ang malambing na paraan. 'pag mas maangil, kadalasan ay maangil din ang makukuhang pagtanggi. pero 'pag hinaluan ng kaunting lumanay at sapat na alumana, uubra rin.

siyempre kahit na malumanay, dapat ay matatag ang disposisyon. di puwedeng mabuway. 'pag mabuway kasi ay kaunting ihip lang ng hangin, sawata na ang balak. pero 'pag maigting ang pagpipirmi, tutuloy ang tulak. lahukan mo pa ito ng lambing, panalong kumbinasyong tiyak na magtatantos ng puntos sa iyo!

No comments:

Post a Comment