Wednesday, November 19, 2014

ma'am berdin

matunog na ang pangalang gng. erlinda berdin pagpasok ko pa lamang sa pablik (mataas na paaralan ng novaliches) bilang freshman. dahil nabibilang kami sa pinakatumpok ng mga tumpok na seksyon, mabagsik daw ang napipinto naming maging tagapayo bilang mga seniors. naging panghaliling guro siya sa filipino nang lumiban si ma'am loida ramirez noong first year kami. dama mo agad ang kanyang presensya habang nagkukumahog pa ang I-1 sa paglilinis ng aming silid kahit nandoon na siya. ibang klase ang atake niya sa pagtatanong at pakiramdam ko ay tila ba mahirap makakuha ng mataas na grado mula sa kanya. pagkatapos nito, ang sumunod kong episodyo kay ma'am berdin ay noong nasa third year ako. halos magkasabay kaming papasok nang tawagin niya ako upang magpatulong pumitas ng sunflower. sa di maipaliwanag na pagkakataon, di ko mapitas nang mahusay ang bulaklak at parang gusto na lang ni ma'am na siya na mismo ang pumitas nito. hahaha! III-1 daw ba ako, tanong ni ma'am. sabi ko'y opo. "magkikita tayo sa susunod na taon", tugon niya. bago kami pormal na maging IV-1, pinatawag kami para maging koro sa lamay para kay gng. valentina ancheta. sa praktis pa lang ng 2 kanta, ibang lebel ang presyur sa amin upang makakanta nang maayos.

at dumating na nga ang fourth year. isa sa mga panimulang salvo ang pag-iyak ni divine dahil pinatayo siya at ilan pang mga kaklase dahil wala silang patch. sa isang lunes na di nadiligan ang mga halaman sa gilid ng platform sa aming silid, isa-isa niyang binuhat ang tatlong mga paso at inihagis ang mga ito mula sa ikatlong palapag ng marcos bldg sa baba nito, harap ng math department. pinagdangkal niya sa third floor ang mga kaklase kong late sa flag ceremony, pagkatapos siyempre ng sarili nilang flag ceremony sa quadrangle. sa isang meeting namin para sa el fili, pinalabas niya ang lahat ng aking mga kaklase sa dahilang di ko na maalala. naiwan lamang ang mga reporter ng araw na 'yun, ang group 1 (kasama ako). marami rin siyang mga parinig tungkol sa mga maagang nagsipagboyprenan o gerlprenan. may episodo ring itinaboy at hinabol niya kami palabas ng campus para magsipag-uwian na. binalak din niyang ilipat ang lahat ng mga kaklase kong babae sa iba't ibang seksyon dahil sa mga grupo-grupo't eksklusibong barkadahang umiiral sa kanila noon. nang manalo siya bilang most outstanding teacher, binigyan namin siya ng bulaklak na di niya nagustuhan at binayaran ang aming pinambili rito.

sa araw-araw, sangkatutak na mga pagalit ang nakukuha namin mula sa kanya. lalo na ako. mula sa kurtinang di nalabhan, sa mesang marumi at laging gutay-gutay ang cover gawa ng ibang seksyon o sa stage na puro alikabok na malinis naman 'pag iniwan namin pero laging sobrang dumi pagpasok namin sa umaga. sa aking unang talumpati bilang pangulo ng klase, ilang minuto rin akong nakatayo sa harap ng klase  dahil di nagustuhan ni ma'am berdin ang pagpapasalamat ko maging sa mga di bumoto sa akin. nakurot niya rin ako dahil sa pag-aalala nang di ako umuwi sa aming bahay at makitulog kina ma'am barawed sa UP campus pagkatapos ng UPCAT. tumawag kasi ang aking ate joy sa kanilang bahay para magtanong tungkol sa akin. nahampas din niya ako dahil sa katuwaang ibinunga ng paglaglag ng mga tigdadalawang piso mula sa payphone na malapit sa faculty room. ikinulong niya sa staff room ang mga kaklase kong sangkot dito. nang kinailangan naming pumunta ni herminia sa UP diliman para asikasuhin ang aming enrolment, pagalit niyang tinanong kung bakit kailangang magkasama kami ni herminia.

di ako gusto ni ma'am. 'yun ang pakiramdam ko noon. di kasi ako malapit sa kanya, di gaya ng iba kong kaklaseng madalas makipaghuntahan sa kanya at tumatambay sa loob ng staff room. 'pag kasi dumating siya, lalabas na ako agad kung wala rin lang namang gagawin sa loob. di kami nagkita sa loob ng maraming taon pagkatapos ng aming closing party. ni hindi kami nagkasumpungan man lang sa bayan o maski sa sm fairview. pero ibang lugod ang aking naramdaman nang magkita kami sa kasal ni christine noong 2011. dama kong wala siyang ninais kundi makitang matagumpay ang kanyang mga naging estudyante, kasama na ako.

siguro di pa lang talaga namin siya mauunawaan sa puntong 'yun. bata ka pa kasi. hayskul. daming pagbabago sa iyong buhay. marami ka ring ninanais mangyari sa iyo. gusto mong magsaya at maggalugad. pero sa parehong yugto na ito ng iyong buhay, di ka pa tiyak sa ano talaga ang nais mong mangyari o maaaring gawin pagkatapos mong gumradweyt. pakiramdam ng iba sa amin noon, OA siya sa kanyang teknik at pag-aatang ng napakaraming responsibilidad sa amin. puwede nga rin naman kasing istilo na lang ibang guro, 'yung di masyadong terror, 'yung malagihay at bait-bait na paraan. pero hindi. iba ang istilo ni ma'am berdin. kaya siguro di pa gaanong napahalagahan ang mga sinabi niya noon at kung bakit ganoon na lamang ang kanyang gana't enerji sa pagdidisiplina sa amin at pagtuturo.

pero tumanda kami at dumating na nga sa puntong ito sa aming mga buhay. sa paglipas ng panahon, sampu ng lahat ng indibidwal na dumaan sa kanyang matamang pagbabantay bilang tagapayo, unti-unting naunawaan ang lahat ng aral na nais niyang maikintal sa aming mga dati'y murang isipan. tunay na may saysay kung bakit nais niyang tumayo kami ng tama. magagamit mo nga naman ito dahil kapag mabuway ang iyong tindig, ang tingin ng tao sa iyo ay mabuway din ang iyong pagkatao. di ka igagalang kumbaga. sa pananamit, ayaw ni ma'am berdin ng shabby dahil sinusukat ng maraming tao, lalo sa trabaho, ang kakayahan ng indibidwal na gampanan ang kanyang trabaho sa kanyang pananamit. sa pagsasalita, bawal ang mga "uhmm", "bale" at kung anu-anong pantapal sa mga patlang ng iyong pangungusap. sa aking buhay-UP at trabaho, basiko ang mga ito upang di mabuwisit ang aking mga propesor o mga kliyente sa bawat presentation. di maaaring huli sa mga pagtitipon o sa klase. bahagi ito ng malalimang ugnayang personal o propesyunal. sino nga namang kliyente ang matutuwa kung late ka sa inyong miting? mapapaisip ka rin sa mga tanong ni ma'am berdin tulad ng ano ang kaibahan ng puti sa pula. sa buhay fourth year namin, itinuturo na niya ang kritikal, malalim at masaysay na pag-iisip. lahat ng ito ay may malaking tulong sa aking pagkumpleto ng maraming mahihirap na asignatura sa UP, sa aking karera at sa buhay. siyempre, isa siya sa may malaking impluwensya sa akin kung bakit naisip kong sulatin ang marami kong papel noong kolehiyo at maging ang aking tesis sa wikang filipino.  

huwag daw kaming malunod sa isang basong tubig. madalas na sinasabi ni ma'am ito dati. tama naman. di dapat magbunyi sa maliliit na tagumpay dahil ang tunay na laban ay ang kabuuan ng iyong buhay. maging responsable para sa iyong sarili, sa iyong mga magulang at pamilya at para sa bansa. kailangan mong pagtrabahuan ang bawat punyagi at di umasa sa anumang koneksyon upang makamit ang anumang naisin. higit sa lahat, itinimo ni ma'am berdin sa akin na huwag magmadali. 'wag mong itulak ang panahon upang matawag na adulto. ang lahat ng bagay ay may kaukulang panahon at magaganap ito sa takda ng maykapal.  
                                                                                             
sabi nga ng mga kapwa ko masusuwerteng nagkaroon ng pagkakataong maging inyong estudyante, isa kayong alamat. salamat, ma'am berdin.

1 comment:

Anonymous said...

Maraming salamat sa hindi pagkalimot sa aking ina. Isa sa maraming importanteng yugto sa buhay ni Mommy ay ang maging guro. Minahal niya ang kanyang mga estudyante, tulad ng pagmamahal ng isang ina sa kanyang anak.
Muli, salamat!