Sunday, December 7, 2014

competitive

"ay sobrang competitive? grabe!" ganitong mga hirit ang laging maririnig tungkol sa mga indibidwal na ol awt ang performance sa bawat laro, palabas, labanan at kung anu-ano pang may kinalaman sa paligsahan. maski pa nga maliitan lang ang labanan o walang premyo, may mga indibidwal pa ring ibibigay ang lahat upang manalo sa laro o anumang palabas

pero may masama ba sa pagiging competitive? may mga umiismid kasi at madalas magtaas ng kilay kapag nakaharap ng isang kumpetitib na tao. para bang kasalanan ang magbuhos ng enerhiya o atensyon sa payak na paligsahang gaya ng pinoy henyo, payabangan o maging sa simpleng charades o pictogram. nagiging katatawanan na rin ang pagiging kumpetitib kasi nga maski sa mga palarong kakarampot lamang ang premyo o wala talagang premyo, may mga indibdwal pa ring sumeseryoso sa mga palarong ito. 'yun bang gagawin pa rin ang lahat upang iuwi ang karangalang "nanalo ako!". mayroon din namang mga taong nagsasabing "laro lang 'yan" o "di ako ganyan kadesperado" upang manalo sa maliitang laro. anu't anuman, litaw ang pagsimangot ng karamihan tungkol sa pagiging competitive at mga taong kumpetitib. 

tanong naman ng marami, eh ano naman kung kumpetitib ako? wala namang masama kung seseryosohin mo ang nakaatang na trabaho sa iyo upang manalo ang iyong grupo. una, ehersisyo ito lalo na sa mga pangkatang laro, sa pagiging mainam at kapaki-pakinabang na miyembro ng isang grupo. ang kontribusyon mo kumbaga ay magiging susi sa pagkapanalo ng inyong grupo. kung isahan naman ang laro, pagkakataon mo nang hutukin ang muscle na ang tawag ay utak upang di man lang mangulelat sa paligsahan. itutulak ka ng mga larong ito upang makaisip ng istratehiya at gamitin ang kukote upang manalo sa laro. alalahaning rumurupok ang bawat muscle na di ginagamit kasama na ang ating mga utak. sa bawat laro, napapalawig ang ating pagiging malikhain, maparaan at nahahasa ang talas ng isip at katawan. higit sa lahat, katuwaan ang maliitang mga palaro at palabas. sa pagbubuhos ng atensyon dito, nagiging mainam itong salidahan ng stress o anumang presyur sa araw-araw na buhay. naaaliw ka sumandali at naaalis sa isipan ang mga bagabag na dala ng samu't saring alalahanin. at siyempre, wala naman yatang tatanggi sa premyo kapag ikaw o ang inyong grupo ang nanalo.

oo nga't may mga indibidwal namang OA na sa pagiging kumpetitib. ito ang mga taong wala na sa hulog ang mga hirit at maski iligal ay gagawin upang manalo lamang. pero hangga't nasa diwa pa rin ng mabuting gawi, katuwaan at pangkalahatang kamaraderidad, walang masama sa pagiging kumpetitib. tama lang na mangatwiran kung may di tumpak na mga regulasyon o maling desisyon ng mga organisador ng paligsahan. paligsahan ngang tinawag kaya may mananalo't matatalo. bahagi ito ng proseso. kung talo, babawi na lang sa susunod. pero kung panalo, magdiwang ngunit di dapat maging palalo.    

may anong saya kasing dulot ang pagkapanalo. aminin man o hindi, lahat ng tao ay may masidhing naising manalo sa anumang bagay, sa kabuuan ng buhay o sa maliliit na paligsahan. may premyo man sa mga larong ito o wala, sadyang taal sa bawat indibidwal na piliting makuha ang pinakamataas na premyo. ang rurok ng tagumpay ay natural na hangarin ng bawat tao. ibang klaseng galak at damdaming matayog ang dala ng katotohanang ikaw ang kahuli-hulihang taong naiwang nakatayo, na ikaw ang nanalo sa paligsahan at ikaw ang kokoronahang kampeon.

ang makamit ang unang karangalan, medalya, pinakamahal na premyo ay naisin ng bawat tao kaya nga sa kasaysayan ng tao, di na mabilang ang salungatan, labanan at digmaan. likas sa tao ang maghangad ng pinakamataas na karangalan, pinakamalaking kaharian, pinakamaraming pera o pinakamalaking premyo sa laru-larong paligsahan.

ngunit bunga ng itinimong kaugalian ng mga mananakop, tila nabaon na sa lupa ang pagkakaroon ng tukoy na pagiging kumpetitib ng maraming pinoy. mas binigyang-diin ng mga may dala ng katolisismo sa kapuluan ng pilipinas ang pagsasabuhay ng sobra-sobrang pagpapakumbaba. di raw dapat mag-asam ng kataas-taasan o pinakamalaking premyo. mas maigi raw ang mamanatag na sa simpleng pamumuhay at umiwas sa anumang karangalan. itinataas nga raw kasi ng diyos ang mga payak at pobre kaya ang dulot nito ay kawalan ng pag-aasam sa anumang karangalan o premyo. dahil dito, maraming pinoy ang walang tumpak na timpla ng pagiging competitive. para sa akin, mas maraming pinoy ang humihilig sa ispektro ng pagkakaroon ng kakaunting lebel o totalmenteng kawalan ng diwa ng kumpetitib. sabi nga ng maraming analisis, ito ang dahilan kung bakit di gaanong nananalo ang mga atletang galing sa pilipinas sa pandaigdigang mga kumpetisyon sa palakasan. kulang daw ang mga pinoy sa likas na hilig o simbuyong talunin ang lahat ng kalaban o killer instinct. masyado raw mabait at maalalahanin maski sa mga kalaban kaya nga siguro tumagal ng 300 taon ang mga espanyol sa bansa. muli, may kinalaman ito sa pagiging mapanghamon, palaban at damdaming masidhing ipaglaban ang sariling karangalan. samakatuwid, pagiging kumpetitib. 

walang masama sa pagiging competitive. kailangan lamang ng tamang timpla. ang masama ay ang pag-iisip na di pa man nagsisimula ang laro ay talo ka na. di pa man napapalo ang unang bola, sa isip mo dehado ka na agad. di pa man tumutugtog ang musika ng kalabang grupo, liyamado na sila agad kumpara sa inyo. di pa man nasusulat o naguguhit ang mga sagot at klu, iniiisip mo na agad na "wala ito, olats tayo". ang mahalaga ay ibigay ang lahat sa bawat laban, maliit man o malaki ang paligsahan, may premyo man o wala.

No comments:

Post a Comment