Wednesday, February 4, 2015

tadhana

may sesyon pa dapat kami upang rebyuhin ang that thing called tadhana. ganoon katindi ang tama ng pelikulang ito sa amin kaya kailangan itong himayi't pag-usapan kahit na nga di ako madalas manood ng pinoy romkom. pero mukhang tadhana na rin ang nagtakdang di ito matuloy, haha!

elementaryang romkom lang dapat ito. istorya ng dalawang indibidwal na kapwa nais makalimot mula sa bangungot ng bigong pag-ibig. nagkatagpo sina mace at  anthony sa paliparan ng roma at mula rito naglamyerda hanggang makarating sa baguio, sagada at pabalik muli ng maynila. pero dahil sa matalino't nakatutuwang iskrip at kapani-paniwalang kemistri sa pagitan nina angelica panganiban at jm de guzman, malayo ang that thing called tadhana sa palagiang pinoy romkom na kayamot-yamot at ni walang anumang sustansya.

siyempre kung galing ka sa isang bigong relasyon, swak na swak ang mga hirit nina mace at anthony. pero di naman kailangangang maranasan ang pakikipaghiwalay para makapalagayang-loob ang dalawang karakter. malapit sa katotohanan ang mga sentimyento ng dalawa, malapit sa sikmura kumbaga. di ito pinalabukan ng maraming literarya o anumang kasweetang di kailangan at "ngayon na ngayo't pinoy na pinoy" na talakay nito. halimbawa ay ang pagkain ng hotdog sa stopover patungong baguio, ang pagbili ng strawberry taho sa city of pines o ang couple room sa masahihan. haylayt para sa akin ang pinoy na pinoy na tirada sa where do broken hearts go ni whitney houston at mga linyang "ang sakit mo magsalita ah… close ba tayo?" magkahalong tawa at lungkot ang ipadarama ng pelikula, habang tamang-tama lamang ang romantikong timpla nito. panalo ang mga eksenang tulad ng sa stopover kung saan naisip na ni mace i-connect sa kanyang ex ang lahat ng bagay, panhik-panaog sa overpass sa baguio at ang eksenang nagdadalawang-isip si anthony kung aakbayan ba niya si mace o hindi. magaling din ang open-ended na katapusan ng pelikula dahil bahala na ang manonood na maglagay ng kongklusyon.

kung may parangal sa casting, dapat makakuha ang pelikulang ito. utang ng proyektong ito ang kanilang tagumpay sa kemistri nina angelica panganiban at jm de guzman. ichi-cheer mo na nga ang dalawang sana'y magkatuluyan o "magbastusang pisikal" kahit kaunti lang. natural na natural na deliberi ng dalawang aktor, lalo na ni panganiban. mai-imagine mo talagang sinasabi ng karaniwang tao ang mga kanilang birada, hirit, bunghalit at palakat. ang anthony ni de guzman ay akmang-akma sa kasutilan ni mace. sakto ang kanyang pagiging maginoo, kaunting pahiwatig ng kakulitan at pagnanasa… best supporting actor ang award ni jm de guzman.

ngunit ang mace ni angelica ang tunay na may-ari ng that thing called tadhana. walang kahirap-hirap niyang binigyang-buhay si mace, sampu ng kirot na kanyang pinagdaraanan at hapdi o angil sa ikot ng kapalarang di umayon sa kanya. kalugod-lugod ang kanyang pagganap at walang anumang pagkukunwa pero tunay na nakapupukaw ng damdamin.
   
bakit nga ba kasi madalang pa sa ulan sa namib desert ang mga pelikulang tulad nito? kaya naman talaga ng mga magpepelikulang pinoy at kinakagat naman ng publiko, kung kaya't sana'y dumalas ang mga ganitong proyekto. isang rawnd pa sana ng istorya ni mace at anthony!    

No comments:

Post a Comment