Thursday, March 5, 2015

ubos pasensya

minsan mauubusan ka talaga ng pasensya. kahit anong haba ng pisi, darating ang puntong lulutong ito at makukunsume ka. sabihin mo pang buong tiyaga mong iniintindi pero may mga tao talagang susubok ng iyong pasensya at mauuwi ka sa pagkainis. maski na nga siguro matindi ang epekto ng medistasyon, aabot ka sa sukdulan.

malinaw naman ang mga bagay. nakasulat ang mga ito nang maayos. may eksplanasyong pagkahaba-haba at buong pagmamahal na isinulat ang kahalagahan ng mga ito upang malunok at maunawaan. nakahanay ang bawat aytem para agarang makita. anong malabo rito?

hirap ba umintindi ng ingles? mas ok kaya kung barok na ingles na lang ang gamitin? pero malawak na ang karanasan nito. batikan na sa kanilang organisasyon at pinagtitiwalaan pa ng mga nakatataas. sosyal-sosyalan pa kuno. nais kong isiping abala lang sa mga bagay-bagay kaya di niya nauunawaan ang mga bagay at hirap alalahanin ang mga nakaraan. hay naku! anuman ang kanyang dahilan, malinaw ang isang bagay… hilahil ang pagdaraanan ninumang katrabaho nito. bukod sa limitado ang bokabularyo at iilang termino lang ang kayang ikonsumo, dunung-dunungan kasi ito. mapapatawad mo pa kung sadyang tanga lang pero aminado sa kanyang kakulangan. pero ang isang ito? hindi. hangal na katalinuhan lamang ang taglay pero buong hambog itong ipinangangalandakan sa sanlibutan. pinagbigyan na nga ng napakarami, taas-ihi pa ring nagmamarunong.

dapat dito, ibalik sa basikong pagsasanay. sana'y lumawak ang kanyang bokubalaryo. at ang pinakamahalaga, sumadsad sana ang kanyang matayog na pagtingin sa kanyang limitadong sarili.

bakit nga ba kasi may mga taong mahirap makaintindi?

No comments:

Post a Comment