Tuesday, April 28, 2015

fast and furious 7


walang puwang ang lohika. di ka dapat maghanap ng tuwirang katwiran o anumang rason. ni di ka dapat umasang may reyalismo kapag pinanood mo ang alin mang patak ng fast and furious 7.

abalang-abala ang mga gumawa nito sa pagpapasabog ng mga kotse at makapigil-hiningang mga habulan at aksyon. ok lang ito. siyempre ito naman talaga ang pambenta. pero binahiran man lang sana ito ng konting katumpakan. kahit kaunti lang. pero wala talaga eh. biglang naging martial arts expert si ludacris at ang buong grupo ay pinagkatiwalaan bilang mga super agent. napuruhan si the rock, sinemento ang braso pero isang banat lang pala ang kailangan para wasakin ang bendang may semento. nakorner si vin diesel sa gilid ng talampas, bumuwelta lang ito at pinatalon ang kotse sa bangin… pagbagsak ng kotse, lumabas ito at ni wala man lang galos! kung ang isang makapangyarihang istari na tulad ni gandalf ay di basta-basta lumilitaw para makarating sa isang lokasyon, si jason statham ay hindi. may kakayahan itong bigla na lang lumitaw sa anumang lokasyon, anumang oras o saan mang panig ng mundo. sa haba ng pakikipaglaban ng grupo kay statham, di pa rin ito napatay at ikinulong na parang si magneto. ipinarachute ang mga kotse at himalang nakalanding ang mga ito nang walang anumang wasak.

ang tanging magandang idinagdag ay si kurt russell at ang kanyang mr. nobody, bilang lider ng undercover team ang pinaka-cool na karakter dito. bukod sa madamdaming pagpapaalam kay paul walker, wala nang ibang positibong iiwan ang pelikulang ito.

nanghinayang ako sa napanalunan kong libreng tiket. kung bakit ba kasi dito ko pa ginamit 'yung tiket eh… pang-bus na pelikula lang naman ang fast and furious 7.  

No comments:

Post a Comment