Saturday, April 4, 2015

mumunting lihim

saktong habi ng mara clara ang mga mumunting lihim. lahat ng lihim na mayroon sa pagitan ng apat na magkakaibigan ay itinala ni mariel sa kanyang bolyum-bolyum na mga talaarawan. wala itong pinagkaiba sa order ng mara clara kung saan ang diary ni kardo ang ikatlong karakter… ang kay mariel (judy ann santos) naman ang susi sa pagkakaungkat ng mga isyu sa pagitan niya at kanyang 3 kaibigang sina carly o carla (iza calzado), sandra o sandy (agot isidro) at olive o olivia (janice de belen). naiba lang ang pelikula sa teleserye dahil sadyang ibinigay ni mariel ang kanyang mga diary kay carly… di na kailangan pang tumakbo ang istorya ng 5 taon.

ok naman ang pelikula. sakto sa sikmura ang mga birada ng apat. malapit sa nangyayari sa totoong buhay. di nga naman lahat ng magkakaibigan, kahit na ilang taon na silang may ugnayan, ay may malalim na salidahan ng tagung-tagong mga lihim ng isa't isa. may mga sitwasyong ang pinakamatalik mo pang kaibigan ang pinakamalaki mong katunggali, gaya ng kina mariel at carly. ang mga mumunting lihim ay di naman talaga tungkol sa pagkakaibigan ng apat kundi ng malalim na lumbay at inggit ni mariel sa kanyang mga kaibigan lalo na kay carly. ginamit niya ang kanyang mga kaibigan upang makadama ng tagumpay (kumpara kay olive), tagatanggap ng patalikod na mga pamimintas (para kay sandra) at patunay na mali ang kanyang mga naging pasya sa buhay kaya't kailangan din niya itong bawian (kay carly). nagkataon lang na may 2 pang karakter na bubuo sa kanyang balaking isiwalat ang lahat sa kanyang pagkamatay. inggit at pagkahabag sa sarili ang puno't dulo ng kanyang mapanglaw na pamumuhay. tanging diary lang ang kanyang naging katuwang sa madawag na kanyang buhay na buti na lang ay pinutol agad.
  
flashback ang atake ni reyes na ok naman pero kitang-kita ang inspirasyong galing sa sex and the city sa mga eksenang nagsisikain at lakad nang lakad ang mga karakter. maayos naman bakgrawnd ng bawat karakter at ang muling pag-ikot ng kuwento sa simula ay naihatid. sa huli, ang mga mumunting lihim ay naging matagumpay dahil sa krispong mga hirit at talento ng apat na aktres. si iza calzado ang nasa gitna ng tunggalian. bagamat kaunting hamon lamang ang ibinigay sa kanya bilang carly, saktong timpla ng matapang na babae at kaibigang nasaktan ang aking nasaksihan. bagay kay agot isidro ang kanyang sandra na matapobre at biglang yaman. di siya bumitiw sa karakter maging sa mga eksenang di niya kailangang magsalita.
     
sinadya ni reyes na si judy ann santos ang mariel ng pelikulang ito. siyempre komersyal ang bakgrawnd niya kaya kailangan ng isang malaking pangalan. ang kaibahan lang, hindi siya ang api-apihan dito. ang kanyang mariel ang pinagmulan ng mga isyung di naman talaga isyu kung tutuusin at nagawa niya ito ng buong husay. malkontentado sa buhay, puno ng hinagpis at malapit nang mamatay, mahusay si juday. pero ang agaw-eksena ay si janice de belen. alam na ng lahat na magaling na aktres pero sa mga mumunting lihim, nalimot kong si janice ang nakikita ko at naglaho sa likod ni olive ang personalidad. ok lang na talunan siya sa kanilang apat pero kwidaw sa kanyang mga sinasabi at swak na swak ang pagganap ni de belen.

maaaring mas naging matagumpay ang pelikulang ito kung hindi si joey reyes ang direktor. maganda kasi ang tema. pero magandang simula para sa kanya. ok na rin na pampalipas ng nakababagot na biyernes santo.     

No comments:

Post a Comment