Friday, August 21, 2015

numero

gusto mo ng numero di ba? o 'wag ka na magkaila. lahat ng tao ay humaling sa bilang. ikaw at ako ay tutok sa numero. oras at petsa, numero sa resibo at mga bayarin, numero ng mga telepono, tambilangan sa selfon, himpilan sa telebisyon, asignatura sa kolehiyo, grado sa mga sabjek, kung magkano na lang ang laman ng iyong pitaka, takal ng arina kapag nagluluto ng keyk, pati na ang kumbinasyon sa ilang mga padlak… lahat ay may kinalaman sa numero. at lahat ng tao ay di maiiwasan ang bilang at numero sa kanilang buhay.


malaking bahagi ito ng buhay ng tao. maski na nga ang mga sinaunang tao'y di ligtas sa bilang. kailangan mong bumilang, magbilang at mabilang. lalo na ngayon sa modernong panahon… tambilangan ay natural na tendensya ng mga kaanak-anakan ni abraham. walang ligtas dito, maski na nga bibili ka lang ng milk tea, tatanungin ka pa rin kung ilang bahagdan ng yelo, tamis at dami ng pearl o jello.

kaya 'wag kang mahiya sa bilang mo. ang iyong edad ay tanda ng eksperyensya, nang pinagsama-samang karanasang bumuo sa iyong pagkatao. sa dami ng iyong pinagdaanan at pagdaraanan pa… naging mabuway man magkaminsan, ang higit na mahalaga ay nakatayo pa rin. natuto at naging higit na matibay at matapang na kabakahin ang hamon ng buhay. kung ilang beses kang nadapa, kung ilang beses kang nagkamali, kung ilang beses kang nabigo… ang mga bilang na ito'y walang bigat dahil ang mahalaga'y kung ilang beses mo ring pinulot ang bawat piraso at muling nagsimulang bumilang ng mabubuting pagkakataong muling maging matagumpay.
   
dapat mong ipagbunyi ang numerong mahalaga sa iyong buhay. maging may kinalaman man ito sa bilang ng mga parangal na iyong natanggap, medalyang naisabit sa iyong leeg nang ika'y nag-aaral pa o bilang ng bituin sa tsapa sa iyong balikat. lahat ng ito'y nakamit dahil sa sariling punyagi at tagumpay mula sa pagsusumikap at di pagtapak sa sinuman ay dapat lamang ikarangal at angkining walang pag-iimbot.

marami ring maliliit na tuwa na kapag tinipon ay masusuma sa totalmenteng nakikita sa bilang. marami ang may koleksyon ng kung anu-ano, maging laruan man ito, manika, kotse o followers sa facebook at instagram. base pa rin sa numero, di pa rin ligtas sa numero. kaya nga may guinness book of world records at kung anu-anong naglipanang batayang tulad ng ISO o ranking upang matukoy kung aling kumpanya ang dapat pagkatiwalaan o kung sinong manlalaro ang higit sa iba.
  
at sa pamamagitan ng numero, natutukoy ang mga milyahe… ang mga sandaling may natumbok na estado ang bawat indibidwal. maylstown ang tawag dito… tagal ng taon sa puwesto o trono, dami ng apo, taong binilang ng isang palabas sa telebisyon, ang pelikulang may pinakamalaking kita, dami ng bumoto, maging bilang ng tikid o dami ng palasong tumumbok sa puso ninuman. tumbok na tumbok at ito'y higit sa 100.

sabi nga ni serena williams, lahat ng tao'y nais pataasin ang kani-kanilang numero. maging masaya't ikarangal, ipagbunyi ang numero, pataasin pa ito't linangin ang dapat linangin.

ikaw, anong numero mo?

No comments:

Post a Comment