Monday, August 31, 2015

UPCAT

big deal sa nova high ang UP... ito ang natanim sa aking isip noong nasa pablik pa ako. kasi naman ay may isang buong blackboard (nile-letteringan gamit ang iba't ibang kulay ng tsok) sa pasukan ng marcos bldg ang nilalaan dito kada enero o pebrero upang ianunsyo kung sino ang mga mapapalad na tagapablik ang nakapasa sa UPCAT. tanda ko pa nang makita namin ang nagdaramihang mga pangalan ng sinundan naming batch na nakapasa rito. kaya n'ung kami na ang nasa fourth year, isa ito sa mga unang pinag-isipan ng bawat isa sa IV-1. salamat kay ma'am eligia barawed, di na namin kailangan pang pumunta sa diliman upang makakuha ng application form (di pa uso ang pagda-download)… isa-isa na itong pinamahagi sa kung sino ang nais kumuha ng exam. libre kapag nasa top 10 ka noong third year pero 300 pesos ang babayaran kapag wala ka rito.

kagaya ng maraming bata, di ko alam kung ano ang kukunin ko. kailangan mo siyempre ng dalawang choice ng campus at dalawang choice ng kurso kada campus. alala ko pa nang minsang sabihin sa amin ni ma'am norma pacaigue na wala naman ang tagumpay sa buhay sa piniling kurso kundi nasa tao, kung magpupursige o magbubulakbol lamang ito. ang sabi niya at ng ilan pa naming mga guro tulad nina ma'am erlinda berdin, ma'am senen centeno at ma'am rebecca gimelo, isulat mo ang kursong sa tingin mo ay malapit sa iyong puso at nais mong pagpursigihan, nang sa gayon ay di ka mag-aksaya ng panahon pagdating ng araw na nasa kolehiyo ka na. tangan ang mga salitang ito… pinili ko ang UP diliman bilang unang choice, history at geography ang mga kurso at UP manila (physical therapy at occupational therapy). ipinasa ang kinumpletong application form kay ma'am barawed. sabi niya, maagang dumating sa iyong schedule, magdala ng 2 mongol pencil number 2 at meryenda… di raw maaaring lumabas sa gitna ng pagsusulit. dapat din daw na maging mabilis sa pagsagot dahil maikli lamang ang palugit sa bawat asignatura. sabi pa nila ma'am, basahin ang tanong ng 2 ulit… kung di mo pa rin naunawaan, huwag manghula. mas maigi raw na lagpasan ito dahil right minus wrong ang UPCAT. salamat sa aming mga guro (kasama na si ma'am linda valeza) na isinabay pa sa review ng NSAT ang aming libreng review para sa UPCAT.

dumating ang araw na 'yun ng agosto… ang araw ng pagsusulit. hapon ng sabado ang aking schedule… ni isa sa aking mga kaklase ay wala akong kasama sa silid na 'yun sa school of economics. kabado't pakiramdam ko ay mangangamote ako sa exam. pinaiwan lahat ng gamit sa harap ng silid, umupo ako sa aking seat at nagsimula na nga ang exam. di ko na maalala pero nauna ang language proficiency at reading comprehension bago ang mga tanong sa science. maaari pang lumabas upang mag-cr pero di ako lumabas. kaya ayun, n'ung matematika na… naiihi na ako at di na puwedeng lumabas. grabe ang pagpipigil ko kaya ni hindi ko masyadong binabasa ang mga tanong… sagot na lang ng sagot upang matapos na itong kalbaryong ang tawag ay UPCAT. pagkatapos ng 5 oras, natapos din.

tandang-tanda ko nang sabihin ng mga proctor na maaari nang kunin ang mga gamit, ang unang pumasok sa aking isipan ay kailangan kong mag-exam sa ibang unibersidad dahil siguradong di ako pasado sa UPCAT. inisip ko na agad ang UST at kung kailan ang simula ng pagkuha ng entrance exam dito. nagkita kami ng aking mga kaklase at nagsimulang lumakad papuntang academic oval. namasyal ng kaunti at nagsimulang lumakad papuntang pook dagohoy dahil makikitulog kami kina ma'am barawed. kinabukasan ay umalis na rin kami pero di agad umuwi, kundi sumakay ng dyip, bumaba sa philcoa at sumakay ng bus pa-baclaran. nag-sm megamall kami ni sherralyn at bing, nagsimba pa at nanood ng sana maulit muli bago pa umuwi. pagdating ko sa bahay, medyo napagalitan ako dahil di man lang daw ako tumawag para sabihing di ako uuwi. nang dumating ang lunes at pagkatapos ng flag ceremony napagalitan pa ako ni ma'am berdin dahil di nga ako umuwi n'ung sabado. tumawag pala sa kanila si ate joy para hanapin ako pero buti na lang at nandoon si ma'am barawed upang ako'y bak-apan.

disyembre ng taong 'yun, nag-exam ako sa UST. kumbinsido akong di ako nakapasa sa UP kaya nasa isip ko na ang espaƱa ang magiging lugar ko sa loob ng 4 na taon. pero bago ko pa nalaman na nakapasa ako sa UST ay dumating na ang pinakamalaking balita sa akin ng huling mga buwan ko sa pablik – nakapasa ako sa UP!! si christine bote pa ang nagsabi sa akin, dumalaw daw sila sa UP diliman.
pebrero ay dumating na nga ang makapal na sobre galing sa UP registrar. kumpleto ito ng lahat ng kailangan ko bilang papasok na freshman, mula sa congratulatory letter, mapa ng UP diliman, mga hakbang paano mag-enrol, papeles para sa pag-aapply ng STPAF, may pamaypay pa yata at marami pang iba. bago pa kami gumradweyt sa novaliches high school, nakadalawang beses pa kaming dalaw sa UP diliman sa mga rasong di ko na maalala. ang hudyat na ako'y papasok na nga sa UP ay nang kami nina herbert, lawrence at wally ay magpa-medical na sa UP diliman infirmary. isa itong malaking pribelehiyo, iilan lamang sa mga estudyante sa pilipinas ang nakapasa sa UPCAT, nakapasok sa UP diliman at nakatapos ng kurso.

at sabi nga nila… the rest was history. nag-UP ako, 4 na taon plus 1 summer… at natapos. kumbinasyon ito marahil ng suwerte, tadhana at matinding punyaging mag-aral at ayusin ang sarili. tiyak na malaking kaibahan kung hindi ako nakapasa sa UP pero ipinag-adya na makapasok ako sa UP. kung kaya naman di ko sinayang ang pagkakataong ito upang pagyabungin ang aking kasanayan at matuto di lamang ng mga basiko at lahat ng impormasyon ukol sa aking kurso kundi kung paanong maging mabuting indibidwal para sa sarili, sa aking pamilya at sa bansa. salamat UP… UP naming mahal.   

No comments:

Post a Comment