Monday, December 7, 2015

Nacpan

matinding hilahil ang babakahin,
turan ng mga tsuper malapit sa baybayin.
malayo ito, di sakop ng madalas na lakad, 
mahirap ang daan at mahal ang paggalugad.
matindi ang tanggi, 
todo-todo ang paanggi.

ngunit nagpumilit at di nagpatalo,
pumailanlang at nagpahibalo.
tunay ngang madawag ang daan,
lubak-lubak ang lansangan.
ngunit di naman suntok sa buwang madatnan,
di naman ganoon kalayo sa kabayanan.

tahimik na pahimakas ang alay,
mabining kaangkinan ang taglay.
payapang dalampasigan,
sariwang hangin at maayong karagatan.
mahabang buhanginan,
sinamahan pa ng kambal na kagandahan.

tila ayaw nang humiwalay,
sa paraisong pumawi ng lumbay.
paanong isang araw lamang,
gayong buwan ang binilang.
dapithapon, bakit ka pa dumating,
at kailangan pang pumatling.

nacpan, nacpan, 
sa dakong hilaga ng palawan.
bukod-tangi ang iyong yumi't ganda,
ligaya ang dulot sa bawat banda.
kaysarap balikan ng iyong dapithapon,
malapit na muling magpatilapon. 

No comments:

Post a Comment