Tuesday, March 8, 2016

babae

araw ng kababaihan ngayon. sa buong daigdig, ipinagbubunyi ang katangi-tanging handog ng babae sa kung anong mayroon ngayon sa mundo. di lang dahil sila ang nanganganak kundi dahil sa kanilang mga haplos ay nahuhubog ang mga tinig, kamay, paa, utak at pusong humugis, nagpapagalaw at magpapayabong pa sa mundo.

lumaki akong pinalilibutan ng kababaihan. iba't ibang personalidad at katangian ngunit silang mga matatatag, istrikto, masaya, may prinsipyo, makapamilya at puno ng pagmamahal ang nagsilbing aking mga gabay at sandalan, lalo na noong papalaki pa lang ako.

si mama ang aking unang sandalan. lahat ng sasalihan kong timpalak at kung anu-anong programa, tiyak na di mawawala ang kanyang suporta. mula kay mama, natutuhan kong balansihin ang pagpupunyagi at kung paanong gantimpalaan ang iyong sarili sa tama at rasonableng paraan. kapag matumal ang hanapbuhay o masikip ang pamumuhay, matutong magtiis. ngunit kapag maalwan naman ay ikalugod at matutong magbahaginan ng biyaya, pamilya man o kaibigan.

si lola ang walang sawa sa panggigising at sisiguruhing handa ako sa bawat umaga na may pasok. dahil madalas akong bangungutin noong bata pa ako, si lola ang aking katabi pagtulog dahil madali siyang magising. siya rin ang nagmulat sa aking mga mata sa elemental na bahagi ng mundo, ang mundo ng mga di nakikita. puno raw ng hilahil ang kanyang buhay pero kay lola ako natuto kung paano maging masinop sa pera at paano magtipid… di ka nga naman sigurado kung kailan mo kakailanganin nito. 
   
si ate rose ang patawa ng pamilya. maging sa pinakamaliit na bagay ay may nakikita pa rin siyang katawa-tawa. ang reyna ng aming tindahan, daming benta kapag siya ang bantay. nang mag-asawa siya at tumira sa bulacan, siya pa rin ang nagpapatahi ng mga pantalon kong pamasok. bakasyon at swak sa sarap na mga pagkain at ulam ang patuloy naming pinagsasaluhan sa bahay niya. sa kanya naman galing ang pagpapahalaga ko sa pagtawa at kasiyahan at kung gaano kalalim ang halaga ng "kababawan" sa buhay.
  
si ate she naman ang taong-bahay. nang mamatay si mama, siya na ang humalili sa pag-aasikaso sa bahay. kahit na nga nakabukod naman sila ay sinasakop pa rin kami sa baba. siyempre maski paglilinis ng bahay at lalo na kapag walang ulam o pagkain. siya rin ang walang sawang naglalaba ng uniporme ko nu'ng nasa hayskul ako! patuloy ang kanyang presensya, lalo na ngayo't kailangan ni tita jo ng suporta para kay papa. ipagtatanggol ni ate she sinuman sa amin kaya sa kanya ko nakita at natutuhan ang halaga ng pamilya at pagiging tapat sa iyong pinagmulan.

si ate joy ang walang sawa na magpainom sa amin ni liezl ng bitamina… para raw tumangkad kami. sa kanyang kuwarto kami nakisunong ni liz at nang bumukod siya, walang patid ang aming mga gimik tuwing katapusan ng linggo. mula megamall hanggang makati, nililibre niya kami para manood ng sine at kumain sa labas. nagtinda-tinda rin siya nu'ng nasa kolehiyo pa siya kaya naambunan ako ng sangkatutak na mga damit. nu'ng nasa UP ako, pinag-encode pa niya ako ng napakaraming papel at siyempre pati na ang pagpi-print! kay ate joy ko nakita ang halaga ng paglalaan ng oras sa mga mahal mo sa buhay. maging sa pagsulat ng maikling liham o paghahakot ng gamit patungong novaliches, ang mga ito ang mananatili sa iyo.
  
halos magkasabay kaming lumaki ni liezl. dahil siguro kapwa bunso kami at maagang lumisan si mama, kuha namin ang lahat ng suporta mula sa aming mga ate at mula kay lola. si liz ang aking kalaro sa kalye, kakuwarto at kasama sa maraming bagay. lagi siyang nandiyan para ipagluto at dalhan ako ng pagkain, kahit na nga mahirap nang bumiyahe dahil sa 2 bata. pinaglalaba't pinagpaplantsa pa niya ako magkaminsan! sa kapatid ko naman ito natutuhang panindigan ang bawat desisyon at 'wag mangiming bumangon muli at magsumikap.

si tita jo naman ang aming pangalawang nanay. naging bahagi siya n gaming buhay nang ako ay patapos na ng hayskul. dahil sa kanya at kay papa, di ko kinailangang magtrabaho habang nag-aaral. di ko rin kinailangang lumapit sa ibang kamag-anakan para maitawid ang pangangailangan. sa awa ng diyos, natapos naman akong maluwalhati. higit sa lahat, ibang lebel ang pag-aaruga niya kay papa. marami siyang pinagdaanan sa buhay kaya naman bilib ako sa kanyang pagpapakababa at laging bukal sa loob na pagtulong sa mga nangangailangan maski na nga wala na rin siyang maibibigay.

mapalad ako at mayroon akong tulad nila… mga babaing pinagtibay ng panahon, mga ulirang nilalang na umagapay at umaagapay sa kani-kanilang mga anak at pamilya. inspirasyon para sa nakararami at tunay ngang dapat ikarangal.

salamat sa inyong lahat… utang ko sa inyo, sampu ni papa at kuya bob, kung ano ang mayroon ako ngayon.

sa kababaihan ng aking pamilya at lahat ng babaing patuloy na nagpupursige, saludo ako sa inyo. maligayang araw ng kababaihan!

No comments:

Post a Comment