Wednesday, June 1, 2016

#NeverAgain

matiisin, mapagpatawad, mabilis makalimot at di nadadala. ito ang mga pilipino.

ang pagiging matiisin ang dahilan kung bakit tumagal ang mga espanyol ng halos 300 taon sa pilipinas. ito rin ang dahilan kung bakit lumakas ang pangungunyapit ni ferdinand marcos sa kapangyarihan sa loob ng dalawang dekada. kung hindi pa siguro nabuyo ng sambayanan ang biyudang nakadilaw na si corazon aquino, malamang ay isang marcos pa rin ang nakaupo.

ngunit naglaon ang panahon. ang pagiging mapagpatawad at mabilis makalimot ang dahilan kung bakit unti-unti ring nakabalik ang mga marcos sa kapangyarihan. sinimulan ito ni imelda sa pagtakbo bilang pangulo noong 1992, ngunit siya ay natalo. kasabay din ito ng unang pagkapanalo ni bongbong marcos bilang kongresista ng ilocos norte. sumugal ito at pinakiramdaman ang pulso ng bayan sa pamamagitan ng pagtakbo bilang senador noong 1995. talo si bongbong. 1998 ay tumakbo naman si bongbong bilang gobernador ng ilocos norte at siyempre nanalo ito. ang buong dekada 90 ay may kinalaman sa kanilang unti-unting pagpapalawig na muli ng pulitikal na ambisyon na nauugat sa makapangyarihang paghawak sa halos kabuuan ng hilagang luzon. noong 2010, nanalo na si bongbong bilang senador, habang ang kanyang nanay ay kongresista at ang ateng si imee marcos ay gobernador ng ilocos norte. tuloy-tuloy na nga ang muling asendansya ng mga marcos sa pambansang arena.   

at dahil nga nasa kanila ang momentum at batid ng mga marcos na di nadadala ang mga pilipino, isang mas mataas na baitang pa ang nais nilang tapakan nang kumandidato si ferdinand jr. bilang bise presidente. katambal nito ang nagpakahangal na si miriam defensor santiago. sa halos kabuuan ng kampanya ay nanguna si bongbong sa mga sarbey. malaking salik dito ang kanilang epektibong pagpapakalat ng rebisyunista at maling pagtalakay sa mga naganap noong panahon ng batas militar. ginawa nila ito sa pagkasangkapan at pagpapakalat ng mga pabrikadong datos tungkol sa ekonomiya noong dekada 70. batid ng mga ito na sa pamamagitan ng maiikli at krispong mga materyal sa social media, maraming madaling maniniwala sa kanila. ayon sa mga galamay ng mga marcos, ang dekada 70 daw pinakamalago raw ang ekonomiya ng bansa. ang pilipinas daw ang may pinakamalusog na merkado sa lahat ng mga bansa sa asya, pangalawa lamang sa japan. di raw totoo ang mga pang-aabuso dahil ginawa lang ito ni marcos upang isaayos ang bansang nalilipol ng mga komunista. kung di raw sa batas militar ni marcos ay malamang komunismo na ang porma ng gobyerno sa pilipinas. ang higit na masaklap dito… pinaniwalaan ng maraming pilipino, lalo na ng mga milenyal ang pabrikado at maling pagtalakay sa batas militar. ok lang ang mga pasuwelduhang maka-marcos ngunit ang maling pagtanggap ng mga milenyal ang higit na nakababahala.

ano na nga ba ang nangyari sa pagtalakay sa madilim na bahaging ito ng kasaysayan ng pilipinas? noong bata ako ay malinaw na tinalakay ito bilang yugto kung saan ginamit ni marcos ang batas militar hindi upang isaayos ang bansa kundi upang di na umalis sa puwesto. ginamit niya ang kamay na bakal hindi upang iwaksi ang mga komunista kundi upang iwaksi ang kanyang mga kalaban sa pulitika, takutin at gawing mga pipi ang mga ito at upang iligpit ang sinumang sa kanya ay kakalaban, indibidwal man o grupo. ginamit niya ang deklarasyong ito hindi upang pagyabungin ang kaban ng bayan kundi upang lalo pang pagyamanin ang kanyang sarili at pamilya at upang magkamal din ng salapi ang kanyang mga tapat na kakuntsaba. kinasangkapan ni marcos ang martial law upang magtayo ng sariling imperyong ipamamana sa kanyang kaapu-apuhan at magkaroon ng rehimeng sana'y di matatapos. 
 
ang rehimeng marcos ang sumira sa imahe, lipunan at kaban ng pilipinas. habang marami ang nagugutom ay nakiki-party si imelda sa kanyang mga amiga at nagsisibili ng sangkaterbang mga luho. sa gitna ng mga pang-aabuso ay winawaldas din ng mga marcos ang yaman ng bansa. unti-unti nilang hinahati ang mga ito sa mga akawnt sa bangko ng iba't ibang mga bansa. may kung anu-anong proyekto ngunit sa likod nito ay ang maitim na balak na magkapera mula sa mga ito. ang mga pandarambong ay kaliwa't kanan. mula sa pangulo, maging sa kapitan ng barangay at lalo na sa mga miyembro ng kapulisan at kasundaluhan. ang yugtong ito ang nagpahimakas sa mga tao na ok lang na mandambong sa bayan dahil wala kang kailangang panagutan kung ang mismong pangulo ay mandarambong din. dahil sa ginawa ni marcos, lalong nabulid ang mga tao sa kurapsyon at ito na nga ang simula ng pagbagsak ng pilipinas. kinitlan nito ng anumang kalayaan ang sambayanan.

winasak din ng rehimeng marcos ang pinakabasikong yunit ng lipunan – ang pamilyang pilipino. dahil sa kawalan ng paggulong ng batas at hustisya, marami ang basta na lang dinampot, inabuso, pinatay at parang bulang naglaho na lang basta dahil sa mga abusadong pulis at militar. ni walang anumang paglilitis ang naganap at napakarami ang napabilang sa mga desaparecidos. nawalay sa kani-kanilang mga pamilya ang ina, ama, anak, kapatid o maging kani-kanilang mga kamag-anakan. marami ang dagling naulila dahil lamang sa pagiging ganid ng isang diktador at kanyang mga galamay. marami ang dumanas ng hirap at pagpapahirap. maraming mahirap ang lalong naging mahirap dahil sa rehimeng marcos.

ang di batid ng marami, si bongbong marcos mismo ang nakapronta sa paglaban sa gobyerno upang di mabawi ang nakaw na yaman ng kanilang pamilya. siya ang kanilang tagamaniobra kung paanong pahahabain ang anumang paglilitis, kung paanong pabubulaanan ang mga asunto, kung anong mahika ang gagamitin upang di panigan ng korte ang mga taga-PCGG at kung paanong didisumulahin o palalabnawin ang mga argumento ng gobyerno ukol sa hati-hati at sangkaterbang kaperahang inumit ng mga marcos sa loob ng 20 taon. ito ang dahilan kung bakit si siya nanalo noong 1995. ngunit tuso ang mga marcos. nagpabango sila ng pangalan sa loob ng halos 1 dekada sa pamamagitan ng pagbawi sa ilocos norte. inilagay muna si bongbong sa lokal at si imee bilang kinatawan. at nang medyo nakalimot na ang mga pinoy, tsaka lamang umariba si bongbong sa senado. napakahusay ng kanilang istratehiya. taktikang nakaugat sa malalim na pagtanto sa kababawan, kaululan, kawalan ng pagtingin sa nakaraan at di pagkadala ng mga pinoy (o kawalan ng pag-asang may pagbabago pang maaaring maganap).
     
wala nga talagang kadalaan ang mga pilipino. marami pa rin ang nagpabola sa kanila. mantakin mong muntik nang makonsolida ng mga marcos ang kanilang pagbabalik. kung nanalo si bongbong bilang bise presidente, wala na sa isang dipa ang pagitan ng isang marcos sa pinakamataas na puwesto sa bansa. sa kawalan ng direksyon at pagiging harabas ni duterte, di malayong mapatalksik ito agad at mauupong pangulo si bongbong. kung saka-sakali, magbabalik ang panahon ng isa pang ferdinand marcos, itutuloy nito ang paglilinis ng kanilang pangalan at kukumpletuhin na ang pagpapawalang-sala kay imelda at paglalaho ng anumang kaso rito. di naman talaga ito tutulong sa bansa kundi aatupagin nito ang pagbibigay-katwiran at pagsasaligal ng kanilang mga nakaw na yaman. patatatagin nito ang kanilang kapit sa kapangyarihan, nang sa gayon ay mawala ang mga kumukuwestyon at patuloy na naghahabol sa kanilang pandarambong at pang-aabuso. at siyempre, kaakibat nito ang paghihiganti sa mga taong kumalaban sa kanila bilang indibidwal at pamilya. wala itong pinagkaiba sa madilim na kasaysayan ng naunang rehimeng marcos. ok na nasa senado, kongreso at lalawigan ng ilocos norte ang mga ito. ngunit ang muling manungkulan bilang pangulo o pangalawang pangulo ay malaking kabulastugan at kahibangan. isa itong malutong na sampal at muling pagyurak sa mga biktima ng martial law. isa itong pambabastos sa dangal ng sambayanan at ispiritu ng nanumbalik na demokrasya sa bansa. 

malaking salamat sa pag-igpaw ni leni robredo. salamat sa inspirasyong hatid ng isang simpleng maybahay at tagapagtanggol ng mga naaapi.

di na muli. #neveragain. hinding-hindi.

No comments:

Post a Comment