Friday, October 21, 2016

malaise

minsan mas ok pa 'yung may sipon o ubo ka eh. sisinga ka lang o uubo para lumabas ang sipon o plema, iinom ng maraming tubig, magpapahinga at mag-ooverdose sa vitamin c ay magiging ok na ang pakiramdam. pero iba ang kalagayan kapag impeksyong bunga ng baktirya ang kalaban. masasakit ang mga kalamnan at kasu-kasuan at tila ba may mabigat na nakadagan sa iyong buong katawan at damang-dama mo ang karamdamang pilit pa ring nilalabanan ng iyong mga antibodies.

at ito nga ang lumukob sa aking katawan nitong buong dalawang linggong nakalipas. may panginginig sa iyong buong katawan, mahina ang iyong pakiramdam at malaise ang kabuuan nito. ni hindi mo nais kumilos dahil ang gusto ko lamang ay humiga at baluktutin ang aking mga paa para maibsan ang sakit ng kasu-kasuan. ninanais mong laging pawisan dahil nakababawas ito ng sakit. pero siyempre nandiyan pa ang matinding sakit ng ulo na tila bumibiyak dito sa dalawa. isang klasikong pagdalaw ni migraine. mas matindi ang sakit ng ulo  kapag umiinom ng matinding antibiotic.

natapos ko nga 'yung antibiotic at umokey naman ang pakiramdam. pero nitong nakaraang simula ng linggo, tila bumabalik ulit ang impeksyon. dali-dali ulit akong pumunta sa healthway para magpatingin, hindi sa GP, kundi sa ispesyalista na sa ENT. sobrang haba ng pila at umabot ng mahigit isang oras ang paghihintay. sinabi lamang ng duktor na bahagi talaga ng impeksyon ang sakit ng kasu-kasuan. din a raw ang bibigyang ng bagong gamot dahil natapos ko naman ang antibiotics. ang gagawin daw niya ay ikukultura ang baktirya sa aking lalamunan at pag-aaralan ito bago magbigay ng bagong gamot. swab at maghihintay ng 5-7 araw bago malaman ang resulta at saka lamang babalik sa klinika. ang tangi niyang nireseta ay imunomax forte para raw palakasin ang aking immune system at panglaban sa sakit at anumang impeksyon. isang kapsula kada araw.

mahirap ang maysakit. mahirap ang araw-araw na aktibidades kapag may pisikal na dinaramdam. nawa'y tuluyan nang lumisan ang impeksyon at magbalik ang dating sigla. kailangan natin ito.       

No comments:

Post a Comment