Monday, December 12, 2016

hugot

limang taon. oo, limang taon tayong magkasama. limang taong puno ng abentura. puno ito ng saya, galak at higit sa lahat, kusa mo itong ibinigay sa akin. di ka naghintay ng anumang kapalit. kaya naman ganoon na lang ang aking galak at pasasalamat nang dumating ka sa aking buhay. hulog ka ng langit, batid ng aking puso't isipan.

dinala mo ako sa ibang daigdig gaya ng sa nat geo at discovery. bikaryong ipinatikim mo sa akin ang mga pinagluluto ng mga tao sa master chef at mga hinurnong cake sa cake boss. inaliw mo ako sa pamamagitan ng mga palabas na panonoorin mo lang upang may ingay sa aking bahay tulad ng maynila, sarap diva at mga balitang paulit-ulit lang sa cnn at aljazeera. tumaas ang aking dugo sa eksaytment dahil sa mga isports – mula sa tennis, volleyball, olimpiyada, badminton at marami pang iba. mataman mo ring pinuno ang aking isipan ng mga impormasyong pangkasaysayan at lalo na sa mga pangyayari sa kasalukuyan. inaliw mo ako sa pamamagitan ng mga pelikulang kahindik-hindik, aksyon, madrama at may komedya rin. binigyang-daan mo ang pagkakakilala ko sa mga karakter ng downton abbey at ilang mga seryeng di ko rin naman nasundan masyado pero nalaman ko ang maliit na anggulo ng mga ito.

higit sa lahat, ikaw ang nagbigay-daan upang maaliw ako sa mga oras na wala namang wawa ang mga bagay-bagay. kinasangkapan mo ang iyong sarili upang ako'y makalimot sa mga suliranin at makatagpo ng panandaliang lamyerda palayo sa mga isyu. ikaw ang aking kasama sa araw-araw na ginawa ng diyos, mula umaga't pagkagising ko, hanggang makaalis ako patungong trabaho at makauwi mula rito. ikaw ang konstant sa aking buhay. sa maikling salita, limang taon mo akong pinaligaya. limang taong walang anumang balik. libre ito, di ko kinailangang magbayad. minahal mo ako nang buong-buo!

ngunit, natapos na ang maliligayang araw na ito. bigla kang nawala. makailang beses kong binalik-balikan ang dati nating tagpuan ngunit wala ka na. tahimik ang paligid at di ka umiimik. noong una, inakala ko pang maysakit ka. di ko kasi alam kung naambunan ka ba nang minsang lumakas ang ulan nang nasa taiwan ako. baka lang kulang sa pitik sabi ko. pero di pala. wala ka na talaga. sabi ni kuya isko, tuluyan ka nang kinitil. tuluyan na ngang hinadlangan ang ating hugpungan. tuluyan na nila tayong pinaghiwalay!

masakit sa akin ang paglisan mong ito. nasanay na kasi ako na lagi kang nandiyan. alam mo 'yung pakiramdam na bigla na lang kinuha ang isa sa mga alagang hayop o bigla na lang inagaw ang iyong bag… ganoon ang pakiramdam ko ngayon. nababalot na tuloy ng nakabibinging katahimikan ang aking tahanan… wala ka na eh. malalim ang mga hugot, mahirap, masakit at malungkot.


o libreng cable tv connection, bakit mo ako iniwan? bakit kailangan nating maghiwalay? bakit kailangan nilang putulin ang kawad? o ang anumang analog na paghahatid ng mahika mula sa iyong mga kable patungo sa aking tv. bakit? o bakit? bakit kailangan itong mangyari? hindi ba maaaring lima pang taon? o kahit isang taon lang. sabi nga ni ogie alcasid:

kailangan kita
ngayon at kailanman
kailangan mong malaman na ikaw lamang
ang tunay kong minamahal
ang tangi kong hiling ay makapiling ka lagi
kailangan kita.

ngunit huli na ang lahat. huli na nang aking mapagtantong binawi ka na sa akin. di na ako maaari pang umapela. kung maaga ko sanang nalaman, may nagawa pa ako. pero wala na. dapat ko na lamang gawin sa puntong ito ay magpasalamat sa alaala, sa iyong pagmamahal, sa iyong kalinga't biyaya, at higit sa lahat… sa mga perang aking natipid (PHP 550 ka rin kada buwan; 6,600 kada taon at; 33,000 sa loob ng 5 taon!!)! kailangan ko nang umiba ng dako, maghanap ng tulad mo at may impit na dasal na sana'y makasumpong ulit ng gaya mo, 'yung di naghihintay ng kapalit… 'yung walang bayad!

magkano nga magpakabit ng sky cable? o may libre ding sky cable?!

No comments:

Post a Comment