Friday, February 3, 2017

longitude

gusto ko ng nobelang inawtor ng isang pinoy. ito ay pagkaraang makatapos ng iilan ding mga librong dayuhan ang sumulat. sabi ko, maigi kung historikal din ang tema, piksyon pero base sa kasaysayan. ok yun. at ibinigay ulit ito ng fully booked, sa ikalawang palapag ay nakahanay ang mga aklat ng mga pinoy na manunulat. dito ko na nga nasumpungan ang longitude ni carlos cortes. sa pagitan ng tatlong aklat ng miss peregrine's home for peculiar children, nabasa ko ang longitude.



mula sa punto de bista ni henrique (o harith/ indriki/ indra) ang nobelang ito. isa siyang aliping galing sa malacca at kinasangkapan ni ferdinand magellan sa malaking punyagi nitong tuklasin ang pulo ng mga pampalasa sa pamamagitan ng pagtraberso sa kabilang bahagi ng daigdig. ayon sa nasusulat na kasaysayan, nakuha ni magellan ang patronahe ng hari ng espanya nang talikuran nito ang pinagmulang bansa ng portugal. nagsimula ang paglalayag ng buong armada sa sevilla, bumaybay sa dagat atlantiko patungong cape verde. mula rito, tinahak ng armada ang di pa nagagalugad na bahagi ng timog amerika sa pamamagitan ng pagtawid sa atlantiko patungong brazil. binaybay nila ang kahabaan ng brazil, hanggang makarating sa lupaing ngayon ay argentina, sinuong ang mapanganib na tubig sa paligid ng falklands at unti-unting nakaungos sa timog silangang bahagi ng dagat pasipiko. nagpasuray-suray ang natitirang galyon ng armada sa magkakalayong isla ng pasipiko, nasumpungan ang maliliit na pulo tulad ng guam, bago pa makarating sa homonhon. mula rito, tumuloy sa isla ng cebu, napatay si magellan at tuluyan nang lumayas ng pilipinas si henrique. ito nga ang itinuturing na kauna-unahang pagsirkulo sa daigdig, pagkaraang matuklasan ang mas matandang ruta mula europa, dulo ng timog africa, pagtawid sa karagatang indian bago pa makarating sa kipot ng malacca.

ang buong nobela ay isang malaking kuwentuhan tungkol sa paglalayag, kung gaano kalaki ang karagatan at nabigasyon sa bahagi ng mundong di pa natutuklasan ng mga panahong 'yun. sinaputan ito ng kaunting mga tunggalian tulad ng kudeta laban kay magellan at kapitan ng ilang barko at maging ng mga abentura at kaunting kalokohan ni henrique. tinalakay nito kung gaano kalaki ang papel ng relihiyon sa pagdagsa ng mga nabigador na tutuklas, mananakop at aalipin sa "bagong daigdig". natuwa ako sa matamang pagsasaliksik ng awtor upang maglahad ng samu't saring tribyales tungkol sa kung saan galing ang mga pangalan ng buwan, araw, at kung anu-ano pa. gustong-gusto ko rin ang saling sa linggwistiks at kung paanong mula sa mga salita at pangungusap ay mahihinuha ang kasaysayan ng isang lipi. interesante ring tinukoy ng nobela ang mga sinaunang pilipino, bagamat gumagamit ng mga onoripikong mga titulong galing sa sa impluwensya ng islam, ay di totalmenteng mga muslim dahil sa sentral na bahaging ginagampanan ng baboy sa mga piging at pagtitipon. di rin si lapu lapu mismo ang pumatay kay magellan, ayon sa nobela, kundi ang magigiting na mga kawal ng dakilang pinuno ng mactan.      

ok ang first person na pagkukuwento mula sa punto de bista ni henrique. at talaga namang alam niya ang lahat! kung malilimot mong isa siyang aliping walang opsyon kundi makinig, maaaring mahinuhang isa lamang siyang enggrandeng tsismoso. maaaring di sinasadya, ngunit maaaring makuha mula sa teksto na sinususugan ng nobelang ang maling haka na nagmula sa mga mala yang lahi ng mga pilipino. oo nga't malalim ang ugnayan ng mga pilipino sa mga sinaunang malay at indones, hindi rito galing ang lahing mayroon ngayon dahil dati nang may tao sa kapuluan na tinatawag ngayong pilipinas.

masyadong mahaba ang teksto tungkol sa nabigasyon at pagsukat sa longhitud at latitud. mababagot ang mambabasa rito. ngunit sa tingin ng awtor ay mahalaga ang mga ito dahil nga longitude ang titulo ng libro. ngunit sana'y mas pumokus sa mga personalidad at pumili ng higit na mga interesanteng karakter. sa haba nito, tila naging isa lamang parada ng mga pangalang di memorable, bukod kina magellan at henrique. may mga bahaging nais ko nang laktawan dahil nakababagot ang mga ito at sa gayon ay makalipat na ako sa ibang aklat. naging kapana-panabik lamang ito nang pumasok na ang armada sa bahagi ng dagat pasipiko na ngayo'y sakop ng pilipinas. 

may malaking kakulangan ngunit mag-iiwan ang longitude ng mga mahahalagang tanong tungkol sa pagiging pilipino at itutulak nitong higit pang pahalagahan ang taal na pamana ng lahing pilipino.

No comments: