Wednesday, May 31, 2017

migraine

dumadalas yata ang dalaw mo nitong mga nakaraang araw. pumaparati na ang pagsipat mo sa dakong ito. halos gabi-gabi ang pagsumpong mo. tuwing katapusan ng linggo, tumitindi rin ang pagpaparamdam mo.

hindi ba't nag-usap na tayo dati?  nalimot mo na ba ang instruksyon sa iyo? nawala ba sa iyong isip ang mahigpit na utos na huwag ka nang papalagi rito? akala mo ba natanggal na ang malawakang ban sa iyo? kumawala na bang talaga ang pagsunod mo sa panutong di ka dapat pumapampang?

dapat kang manatili sa laot. di ka dapat lumolobo sa kalawakan. kung nakalagak ka sa isang pusali, doon ka lamang dapat lumagi. di ka dapat umalpas sa iyong piitan. dapat diyan ka lang sa loob ng kulungan. itinatago ka ng rehas na bakal. di ka dapat pumapailanlang sa kapatagan. doon ka lamang sa kadiliman sa kailaliman ng kumunoy.

ilang beses ko bang sasabihin sa iyo na hindi ka kailanman welkam sa kahariang ito? kailan mo mauunawaan na ban ka sa luklukang ito? nasaan ang iyong dangal na pangatawanan ang napagkasunduang magpapakalayu-layo ka na? ano pa bang dapat gawin upang matanggap mo na di tayo maaaring maging magkaibigan?

alis na. 'wag ka rito. doon ka sa malayo. di ka kailangan dito. doon ka sa kabilang ibayo. 'wag ka rito. wala kang saysay dito. doon ka sa di ka maririnig o madarama. alis!  

o maygreyn… pakiusap lang, 'wag ka nang lumagi rito. o sakit ng ulo, lumisan ka sa ngalan ng mga bathala. o makirot na pintig sa kalahati ng ulo, tumigil ka sa iyong paghahasik ng lagim. 'wag ako. 'wag ka magsumiksik dito. tigil na.

 

No comments: