gusto ko lang naman
ng malamig na simoy ng hangin? mahirap bang ibigay 'yun? ano ba naman 'yung di
gaanong pagpawisan 'pag tanghaling tapat? di naman gasinong malaking hiling
'yun, di ba? ano ba naman 'yung parang simoy lang ng hangin sa japan, 'yung may
araw pero di ka gaanong pinapawisan.
kaya nga bumili na
ako ng air cooler. mas mura di hamak kaysa sa regular na aircon. mas episyente
sa pagkunsumo ng kuryente… para ka lang nagdagdag ng isa pang bentilador. kailangan
mo lang lagyan ng tubig upang lumamig. sa isang maliit na silid, sapat na ang
isang makinang tulad ng air cooler ng dowell.
ok na ang dowell.
gumana nang maayos, malakas ang hangin. may dalang lamig ang simoy ng hangin
nito. kaya naman nakaidlip ako bago pa kumain! ngunit paggising ko, que horror
ang bumungad sa akin! baha na sa aking maliit na sala. basa ang mga magasin at
nadamay pa ang plantsang di ko nailigpit! grabe ang paglalawang ginawa ng
makinang ito sa aking sala. tila kung anumang tubig ang inilagay sa kahon nito
ay siya namang itinagas nito paibaba.
walang anumang opsyon
kundi ang ibalik ito sa shopwise. pinalitan naman agad ng shopwise at ayon sa
mga merchandiser dito, di dapat na tumagas ang anumang tubig mula sa air cooler
na ito. pag-uwi ko, di ko muna ito ginamit at inilagay ang ice pack sa freezer
bago ito gamiting muli. bandang ala-una, binuksan ko na ang air cooler. gumana
ito, malamig ang simoy ng hangin.
bagamat di na raw ito dapat pang tumagas, naglagay pa rin ako ng mga basahan sa
paligid nito bago tuluyang natulog. kinaumagahan, basang-basa ang mga basahan. malamang
kaysa hindi, mas matindi pa ang pagbabaha kung di ako nagising agad.
ganoon pa rin. tagas,
baha, paglalawa at pagtutubig. ano ba naman ito, air cooler? bakit ganito?
bukod sa malamig na simoy ng hangin, nais ko rin ng kapanatagan ng loob. 'yung
di ko kailangang mag-alala na baha na sa sala pagkagising ko. 'yung di ka
nag-iisip na maglilinis ka pa sa sala at maglalaba ng mga basahan sa tuwing
gagamitin ko ang makinang pampalamig.
sa pangalawang
pagkakataon, ibinalik ko ulit ang air cooler sa shopwise. maaari raw itong
palitan ngunit aabutin ng isang buwan bago maibalik ang ginastos ko. isa pa,
credit card nga ito. kaya't kailangan kong palitan ito ng ibang brand. kung mas
mura, grocery na lang pero kung mas mahal, kailangan kong magdagdag. pinalitan
ko ito ng hanabishi na mas mahal pero ok lang. basta't dapat ay gumana na ito
ngayon nang walang paglalawang nagaganap sa paligid ng sala.
sana naman. kundi,
ibabalik ko ito ulit!
No comments:
Post a Comment