Sunday, June 25, 2017

air cooler

gusto ko lang naman ng malamig na simoy ng hangin? mahirap bang ibigay 'yun? ano ba naman 'yung di gaanong pagpawisan 'pag tanghaling tapat? di naman gasinong malaking hiling 'yun, di ba? ano ba naman 'yung parang simoy lang ng hangin sa japan, 'yung may araw pero di ka gaanong pinapawisan.
pero di ko gusto ng aircon. mahal ito at mahal din ang dagdag na kunsumo sa kuryente. tumagal nga ako ng ganito katagal na walang aircon kaya di pinangangatawanan kong di ko ito kailangan sa puntong ito. at saka, papabakbak ko pa ang gilid ng bintana kung sakaling nais kong mag-aircon. matindi ang kailangang gawin.

kaya nga bumili na ako ng air cooler. mas mura di hamak kaysa sa regular na aircon. mas episyente sa pagkunsumo ng kuryente… para ka lang nagdagdag ng isa pang bentilador. kailangan mo lang lagyan ng tubig upang lumamig. sa isang maliit na silid, sapat na ang isang makinang tulad ng air cooler ng dowell.

ok na ang dowell. gumana nang maayos, malakas ang hangin. may dalang lamig ang simoy ng hangin nito. kaya naman nakaidlip ako bago pa kumain! ngunit paggising ko, que horror ang bumungad sa akin! baha na sa aking maliit na sala. basa ang mga magasin at nadamay pa ang plantsang di ko nailigpit! grabe ang paglalawang ginawa ng makinang ito sa aking sala. tila kung anumang tubig ang inilagay sa kahon nito ay siya namang itinagas nito paibaba.

walang anumang opsyon kundi ang ibalik ito sa shopwise. pinalitan naman agad ng shopwise at ayon sa mga merchandiser dito, di dapat na tumagas ang anumang tubig mula sa air cooler na ito. pag-uwi ko, di ko muna ito ginamit at inilagay ang ice pack sa freezer bago ito gamiting muli. bandang ala-una, binuksan ko na ang air cooler. gumana ito,  malamig ang simoy ng hangin. bagamat di na raw ito dapat pang tumagas, naglagay pa rin ako ng mga basahan sa paligid nito bago tuluyang natulog. kinaumagahan, basang-basa ang mga basahan. malamang kaysa hindi, mas matindi pa ang pagbabaha kung di ako nagising agad.    

ganoon pa rin. tagas, baha, paglalawa at pagtutubig. ano ba naman ito, air cooler? bakit ganito? bukod sa malamig na simoy ng hangin, nais ko rin ng kapanatagan ng loob. 'yung di ko kailangang mag-alala na baha na sa sala pagkagising ko. 'yung di ka nag-iisip na maglilinis ka pa sa sala at maglalaba ng mga basahan sa tuwing gagamitin ko ang makinang pampalamig.

sa pangalawang pagkakataon, ibinalik ko ulit ang air cooler sa shopwise. maaari raw itong palitan ngunit aabutin ng isang buwan bago maibalik ang ginastos ko. isa pa, credit card nga ito. kaya't kailangan kong palitan ito ng ibang brand. kung mas mura, grocery na lang pero kung mas mahal, kailangan kong magdagdag. pinalitan ko ito ng hanabishi na mas mahal pero ok lang. basta't dapat ay gumana na ito ngayon nang walang paglalawang nagaganap sa paligid ng sala.

sana naman. kundi, ibabalik ko ito ulit!

No comments:

Post a Comment